‘Operasyon Bigay Lunas’, isinagawa ng Dagupan City Health Office.

Nagsagawa ng ‘operasyon bigay lunas’ o libreng gamutan sa People’s Astrodome dito sa lungsod ng Dagupan sa pangunguna ng City Health Office.

Layunin ng proyektong ito na magbigay ng libreng gamot sa halos dalawang libong mahihirap na hindi makapagpagamot sa mga ospital at hindi makabili ng mahal na gamot para sa kanilang mga karamdaman.

Halos isang milyon at dalawang daang libong piso ang inilaan para sa mga gamot na ipinamahagi sa mga pasyenteng mula sa tatlumpo’t isang barangay sa siyudad na ito at maging sa mga hindi taga-siyudad na nagtungo rin sa gamutan.

Ayon kay Dr. Leonard Carbonell, hepe ng City Health Office, layunin nilang pagsilbihan ang mga Dagupeños kung saan bukod sa gamot ay nabigyan din ng libreng konsultasyon ang mga bata at matatanda.

Dagdag pa niya patuloy ang pagbibigay ng CHO ng mga serbisyong pangkalusugan na nakatutok sa aspeto ng pag-iwas sa mga karamdaman. (Benjie Lagazo – Dzrd News Center)

Speak Your Mind

*