Pagasa-Dagupan, hangad ang ‘zero casualty’ pagdating ng tag-ulan

Hindi pa umano opisyal na pumasok ang panahon ng tag-ulan sa kabila ng malimit na pagbuhos ng ulan lalo na sa hapon at gabi.

Ayon kay Philippine Atmospheric Geophysical And Astronomical Services Administration (PAGASA) Chief Engr. Greg de Vera, na ang pagdedeklara ng simula ng tag-ulan o rainy season ay base sa pamamaraan na mayroong lima sa pitong field stations ng Pag-asa sa buong bansa ang magrerehistro ng dalawampu’t limang milimetro (25 mm) ng ulan sa loob ng limang araw.

Sa ngayon, hindi pa umano opisyal ang panahon ng tag-ulan ngunit malapit na itong ideklara dahil ang mga senyales ay nararamdaman na.

Aniya, ang tag-ulan ay maaring madeklara bago matapos ang buwan ng Mayo o sa umpisa ng buwan ng Hunyo, at magpapatuloy hanggang Hulyo at Agosto.

Samanta, pinapayuhan ng Pagasa-Dagupan ang publiko na mag-ingat sa mga kulog at kidlat at gawin ang mga nararapat tulad ng pag-alis sa saksakan ng mga appliances, paglayo sa mga open fields at mga lugar na may tubig.

Ayon pa kay De Vera, minimithi ng pagasa ang ‘zero casualty’ pagdating ng tag-ulan kaya puspusan ang kanilang pagpapaalala sa publiko.

Sa ngayon kondisyon ng panahon ay normal at walang banta ng El Niño o La Niña at ang mga nararanasang malalakas na ulan na may kasamang kulog at kidlat ay bunsod umano ng habagat. (DZRD Newscenter)

Speak Your Mind

*