Half rice order sa bawat menu sa mga restaurant, ipatutupad sa La Union

Mahigpit nang ipatutupad sa lalawigan ng La Union ang pag-oobliga sa mga restaurant na isama sa kanilang menu ang kalahating baso ng kanin o half rice order.

Layunin ng Sangguniang Panglalawigan Ordinance No. 0422013 na maiwasan ang pag-aaksaya ng kanin at hinihikayat ang lahat na kumain lang nang sapat at kayang ubusin.

Ang ordinansa ay bilang pakikiisa at suporta ng La Union sa Presidental Proclamation No. 494 ni Pangulong Benigno S. Aquino III na nagpoproklama sa taong 2013 bilang National Year of Rice (NYR).

Tinukoy sa ordinansa ang pag-aaral ng Food and Nutrition Research Institute na nagsabing ang bawat pilipino ay nakapagtatapon ng average na dalawang kutsara ng kanin araw-araw.

Ang lalabag sa ordinansa ay pagmumultahin ng P1,000 hanggang P2,000 sa una at ikalawang paglabag, at P3,000 naman sa pangatlo at mga susunod pang paglabag.

Speak Your Mind

*