Mahigit sa isandaang katao, nalason sa kinaing may gasolina sa Guinea

Mahigit sa isandaang katao ang isinugod sa pagamutan makaraang malason sa kinaing kanin sa isang maliit na restaurant sa bansang Guinea.

Ayon sa ulat, aabot sa 114 ang dinala sa ospital sa lungsod ng Conakry dahil sa nakaranas ang mga ito ng pagsusuka at pagkahilo.

Nabatid na bago ang insidente ay masayang nagkakainan ang mga biktima kung saan makalipas ang ilang minuto ay sabay-sabay na sumuka at nawalan ng malay.

Agad na isinugod ang mga ito sa pagamutan kung saan nang magsagawa ng imbestigasyon ay natuklasang nalason ang mga biktima sa kanin na niluto sa petrolyo o isang uri ng gasolina.

Sinasabing inakala ng ‘di nakilalang kusinero na peanut oil ang ginamit nitong langis subalit huli na nang malamang petrol ang nakuha nito.

Speak Your Mind

*