Mga tiwaling Mambabatas, walang lusot sa bagong Komite sa Kamara

Isinusulong ngayon ni House Speaker Feliciano ‘Sonny’ Belmonte ang paglikha ng panibagong komite sa kamara na magtityak ng transparency sa mga operasyon ng gobyerno.

Ito ay isinulong ni Belmonte kaugnay sa abolition ng Priority Development Assistance Fund (PDAF) ng mga mambabatas at ang pagiging unconstitutional ng Disbursement Acceleration Program (DAP) ng Malacañang.

Ayon kay Belmonte, ang bubuuing House Public Accounts and Audit Committee, ay magkakaroon ng kapangyarihan na papanagutin ang lahat ng National Government Agencies, Local Government Units, Government Owned and Controlled Corporations at iba pang ahensya sa kanilang paggamit ng pondo ng bayan.

Idinagdag pa ni Belmonte na ang nasabing komite ay maaaring magbalangkas ng legislative action para malinaw na maisulong ang mga operasyon ng pamahalaan.

Sa kasalukuyan ay inatasan na ni Belmonte ang House Committee on Rules para pag-aralan ang paglikha ng public accounts and audit committee.

Samantala, sinabi ni Quezon City Representative Jorge ‘Bolet’ Banal na napapanahon na ang paglikha ng public accounts and audit committee sa mababang kapulungan ng Kongreso.

Maganda raw ang layunin ng bubuuing komite dahil magiging kaakibat ito sa kampanya ng gobyerno laban sa kurapsyon.

Tiniyak din ni Banal, bilang vice chairperson ng House Committee on Rules, na pag-aaralang mabuti ng kanilang komite ang mga probisyong nakasaad sa bubuuing komite para mapabilis ang proseso ng paglikha nito sa Kamara.

Sa ngayon ay hinihintay na lamang nilang mai-transmit ng Speaker of the House sa Committee on Rules ang kopya ng nasabing panukala.

Speak Your Mind

*