BSP, itinanggi na tumanggap ng kickback si VP Binay mula deal nito sa Alphaland

Pinabulaanan ng Boy Scouts of the Philippines ang mga akusasyon ni dating Makati Vice Mayor Ernesto Mercado na may kickback umano si Vice President Jejomar Binay sa isang deal sa pagitan ng Alphaland.

Ayon kay BSP Senior Vice President and Acting Secretary General Wendel Avisado, walang anomalya sa nasabing deal.

Nang tanungin ni senador Alan Peter Cayetano sa pagpapatuloy ng pagdinig ng senado sa mga alegasyon ng korapsyon laban sa bise presidente, iginiit ni Avisado na walang alam ang BSP sa mga alegasyon ni Mercado.

Una na ring itinanggi ng mga tagapagsalita ni VP Binay ang alegasyon at hinamon si Mercado na maglabas ng mga ebidensya.

Inaakusahan ni Mercado si Binay na pangulo ng BSP na nakakuha umano ng kickback na nagkakahalaga ng dalawandaang milyong piso sa Alphaland para sa isang property ng BSP sa Makati na ginamit umano sa pangangampanya nito.

Kinuwestiyon din ni Avisado, ang timing ng pagbabato ng akusasyon ni Mercado.

Aniya, kung talagang para sa interes at kapakanan ng BSP ang inaalala ng dating bise alkalde, at kung talagang may iregularidad sa land deal ng Alphaland at Boyscout, dapat ay matagal na itong isinapubliko.

Naniniwala si Avisado na may bahid politika ang mga akusasyon ni Mercado at hindi nila aniya hahayaang sirain ng politika ang kanilang organisasyon.

Iginiit naman ni Avisado na walang itinatago ang BSP at kumpyansa silang lalabas din ang katotohanan kaugnay sa isyu.

Speak Your Mind

*