Mayor Duterte, handang tugunan ang hirit ng mga taga-suporta

Bukas na tumakbo sa pagka-pangulo si Davao City Mayor Rodrigo Duterte sa 2016!

Ito mismo ang idineklara ng alkalde matapos ang ilang buwang pagtanggi sa hiling ng kanyang mga taga-suporta na tumakbo ito sa pampanguluhang eleksyon.

Ayon sa naging pahayag ni Duterte, nag-desisyon siyang maging bukas sa 2016 presidential elections bilang pagrespeto sa mga grupong nagsusulong ng kanyang kandidatura.

Aniya, ang mga grupo ito rin kasi ang siyang sumusuporta sa kanyang adbokasiya sa federalismo.

Matatandaang batay sa huling pahayag ni duterte ay papayag itong tumakbo sa pagka-pangulo sa 2016 kapag umabot sa 85 percent ang kanyang rating sa mga presidential surveys.

Sa kasalukuyan ay kabilang si Duterte sa top 5 ng mga presidentiables na pinaka-napipisil ng taumbayan na pumalit kay Pangulong Noynoy Aquino.

Binigyang-diin ni dating North Cotabato Vice-Governor Manny Piñol na handang tumugon si Davao City Mayor Rodrigo Duterte sa panawagan ng taumbayan.

Sinabi rin ni Piñol na ang pinaka-inaabangan ngayon ng mga taga-suporta ng alkalde ng Davao ay ang pagsirit pa ng rating nito sa mga presidential survey sa susunod na mga araw.

Speak Your Mind

*