Kumbersiyon ng Plaridel bypass bilang expressway, aprub na sa NEDA board

Aprubado na sa National Economic and Development Authority board ang kumbersiyon ng 23 kilometrong Plaridel arterial road bypass bilang isang expressway.

Ibig sabihin, kasama na ang daang nagsisimula sa Balagtas exit ng North Luzon Expressway o NLEX patungong bayan ng San Rafael sa mga proyektong isusubasta sa ilalim ng Public-Private Partnership.

Dahil dito, nagpahayag naman ng interes ang kasalukuyang konsesyonaryo ng NLEX na Manila North Tollways Corporation o MNTC na mamumuhunan ng sampung bilyong piso upang itaas ang kalidad ng nasabing road bypass.

Sinabi ni MNTC President Rodrigo Franco, na kasama sa kanilang plano para sa pag-upgrade nito ang pagtatayo ng mga flyover o underpass sa bawat intersection na may tumatawid sa mga provincial o barangay road.

Kaugnay nito, nasa kasagsagan naman ngayon ang konstruksyon upang idugtong ang naturang bypass sa daang maharlika.

Kasama sa gagastusan ng pondo ang konstruksyon ng 1.12 kilometrong tulay na tatawid sa ibabaw ng ilog Angat sa bukana ng Bustos at San Rafael na nakapaloob sa contract package 3 at 4.

Speak Your Mind

*