Nakanselang CSE-PPT sa rehiyon uno dahil sa bagyong Lando, tuloy na sa December 6

Nagtakda na ng petsa ang Civil Service Commission (CSC) para sa Career Service Examination, Paper-and-Pencil Test  (CSE-PPT) na hindi natuloy noong October 18.

Matatandaang kinansela ang eksaminasyon sa ilang lugar sa bansa na kinabibilangan ng mga Testing Centers sa rehiyon uno dahil sa bagyong Lando.

Kabilang sa mga testing centers sa rehiyon ang tulad ng Laoag City, Vigan City, La Union, Dagupan City at Urdaneta City.

Base sa inilabas na CSC Examination Advisory Number 15, Series of 2015 ang CSE-PPT na kinansela noong October 18 ay gaganapin sa December 6, 2015.

Bukod sa rehiyon uno ay isasagawa rin ang eksaminasyon sa mga testing centers sa Region 2, National Capital Region (NCR) at Cordillera Administrative Region (CAR) pati na rin sa Cabanatuan City, Olongapo City at Bongao sa Tawi-Tawi.

Nauna rito ay inihayag ni Director Lyrma Oalin ng CSC-Lingayen Field Office na aabot sa 2,599 examinees ang kukuha ng professional exam habang 661 naman ang sa sub-professional.

Speak Your Mind

*