BSP-Dagupan, pinaigting ang kampanya laban sa mga scam

Nagsagawa ang Bangko Sentral ng Pilipinas (bsp) katuwang ang lokal na pamahalaan ng pangasinan ng public information campaign kaugnay ng scams at fraud.

Ayon kay Maria Lourdes Manaois, ang Research Specialist ng BSP – Dagupan Branch layunin ng kampanya na mabigyang babala at sapat na kaalaman ang mga mamamayan kaugnay ng iba’t ibang uri ng panloloko lalo na sa larangan ng pinansyal.

Ang kampanya na isinagawa sa Sison Auditorium sa bayan ng Lingayen ay dinaluhan ng mga opisyales ng barangay mula sa bayan sa ikalima at ika-anim na distrito ng Pangasinan.

Tinalakay din kung paano matutulungan ng BSP ang mga posibleng mabibiktima ng scams at fraud.

Kinikilala ng BSP ang halaga ng mga opisyales ng barangay sa pagpapakalat ng impormasyon sa kanilang mga kabarangay para hindi na rin maloko.

Kabilang sa mga panloloko ayon sa BSP ay idinadaan sa pamamagitan ng text, pyramiding scheme, credit card at ATM, budol-budol scam at dugo-dugo scam.

Pinayuhan ni Manaois ang publiko na huwag magbigay ng anumang personal na impormasyon para magkaroon ng pagkakataon ang manloloko ng makapambiktima.

Speak Your Mind

*