CHO Dagupan, pinayuhan ang mamamayan para makaiwas sa sipon at ubo

Karamihan sa mga nagpapakonsulta ngayon sa Dagupan City Health Office (CHO) ay nakakaranas ng respiratory illness.

Sinabi ni Dr. Anne Lourdes Paragas na aabot sa 60 hanggang 70 porsyento ang bilang ng mga dumudulog sa CHO na mayroong ubo at sipon.

Ang kadalasang nakakaranas ng nasabing sakit ay mga bata na edad isa hanggang limang taong gulang.

Ayon kay Paragas, ang pagkakaroon ng nabanggit na sakit ay bunga ng malalamig na panahon at pabago-bagong klima lalo na kapag madaling araw kaya nagkakaubo at sipon ang mga bata, gayundin ang mga senior citizens.

Payo ng health expert na para malabanan ang anumang sakit ay iwasan ang pagpupuyat, mag-ehersisyo, kumain ng masustansyang prutas at gulay, at uminom ng bitamina.

Huwag ring kalimutan ang pagpapanatili ng kalinisan ng katawan at kapaligiran.

Speak Your Mind

*