SSS, hindi nagbibigay ng Calamity loan, ngunit may iniaalok na relief package

Walang Calamity loan ang Social Security System (SSS).

Ito ang binigyang diin ni Lina Basbas, ang Assistant  Branch Manager ng SSS Dagupan sa Sonshine radio, ngunit nagbibigay naman ang ahensya ng Calamity relief package na binubuo ng Salary Loan Early Renewal Program (SLERP).

Ipinaliwanag ni Basbas, na sa ilalim ng nasabing programa, ang mga may salary loan na nakabayad na ng kalahati o 50 percent ng kanilang amortization ay pwedeng nang mag-renew.

Ang SLERP, ay ibinibigay sa mga miyembro ng SSS, na nakatira sa mga lugar na idineklarang nasa ilalim ng State of Calamity dahil sa bagyong Lando.

Nag-aalok din ang SSS ng Direct House Repair and Improvement Loan Program, na may anim na porsyentong interes kada taon.

Tiwala ang SSS na makakatulong ang mga ito sa pangangailangan ng mga miyembrong apektado ng bagyong Lando.

Para mas matulungan ang miyembro ng SSS sa kanilang pagbangon mula sa kalamidad, tinanggal ng SSS ang isang porsyentong service-fee na ibinabawas sa loan proceeds.

Ang mga kwalipikadong miyembro ng SSS ay may hanggang Disyembre 31, 2015 para magpasa ng kanilang aplikasyon para sa SLERP.

Speak Your Mind

*