Publiko, hinikayat na mapagbantay sa Zika virus

Umapela sa publiko si Senador Teofisto Guingona na huwag matakot kundi ay maging alerto at mapagbantay para labanan ang anumang uri ng nakamamatay na sakit tulad ng dala ng Zika Virus.

Kasunod ito ng patuloy na pagdami ng mga biktima ng Zika partikular sa Latin Amerika at ibang bansa sa Asya.

Nagbabala rin ang World Health Organization na mas lalala pa ang epidemiya ng Zika bago ito tuluyang masugpo.

Bilang chairman ng Senate Committee on Health and Demography, nanawagan si Guingona sa Department of Health na paigtingin at palawigin ang pagbibigay ng de-kalidad na serbisyong pangkalusugan sa mga mamamayan.

Sa kasalukuyan ay kumalat na sa tatlumpu’t apat na bansa ang Zika Virus na pangunahing mapanganib sa buhay ng sanggol na nasa sinapupunan ng ina.

Ayon pa sa senador, aprubado na ng kongreso ang 66 bilyong pisong badyet para tugunan ang mga programang pangkalusugan lalo na sa mga bagong sakit tulad ng Zika.

Speak Your Mind

*