Mga Vice Presidentiables, nagpapakilala sa uri ng lideratong ipatutupad sakaling manalo sa halalan

Nagpasiklaban ang mga Vice Presidentiables sa pagpapakilala ng uri ng lideratong ipatutupad sakaling manalo sa darating na halalan.

Unang sinabi ni Senador Alan Cayetano na siya ang bagong opsyon mula sa mga nakasanayang pangalan sa pulitika at isusulong nito ang gobyernong matapang at may malasakit.

Sa panig ni Senador Chiz Escudero, sinabi nito na sa kaniyang pamumuno, walang maiiwan, walang pinipili at walang kikilingan.

Sinabi naman ni Senador Gringo Honasan na bilang dating sundalo ay alam niya ang problema sa bayan kaya ipagpapatuloy niya ang pagtatrabaho para sa pagkakaisa, kapayapaan, at seguridad ng lahat.

Iginiit naman ni Senador Bongbong Marcos ang kaniyang karanasan bilang local chief executive sa pagresolba sa mga problema katulad ng mataas na presyo ng mga bilihin, at kulang na suplay ng kuryente.

Sinabi naman ni Congresswoman Leni Robredo na magiging koro at hindi solo ang kaniyang liderato kung saan lahat ng boses ay mapapakinggan.

Binigyang diin naman ni Senador Antonio Trillanes na wala siyang kamag-anak na sangkot sa katiwalian at pagtutuunan nito ang kampanya laban sa korapsyon at iligal na droga.

Speak Your Mind

*