Anti-colorum operation, mas matututukan kung magkakaisa ang lahat

Upang matugunan ang Anti-Colorum Operation, umapela ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) Region 1 sa lahat ng Local Government Unit (LGU) na magkaisa laban sa mga kolorum.

Sa panayam ng DZRD Sonshine Radio kay Atty. Glenn Zaragoza, Regional Director ng LTFRB Region 1, sinabi nito na sana ay magkaroon ng inisyatibo ang Department of Interior and Local Government (DILG) na magbigay ng kautusan sa lahat ng mga local executive na pagbawalan ang mga colorum na mag-operate sa kanilang lugar.

Naniniwala si Zaragoza na mas matututukan ang kampanya kontra colorum kung lahat ng bayan ay magbabawal sa mga colorum na gumamit ng terminal sa kanilang lugar.

Sinabi pa ni Zaragoza na kung walang trangkisa ang isang sasakyan ay wala ring proteksyon ang pasahero nito sakali mang may mangyaring aksidente sa kalsada.

Una nang inihayag ng LTFRB Region 1 na limitado lamang ang kanilang monitoring team para sa colorum operation sa apat na lalawigan sa rehiyong uno.

Speak Your Mind

*