Executive order kontra-illegal gambling, inilabas ng Malacañang

Pirmado na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang executive order (EO) Number 13 na nagpapatibay sa laban ng gobyerno kontra sa illegal gambling.

Nilagdaan ni Duterte ang naturang EO noong Pebrero 2 na nag-uutos sa Philippine National Police (PNP), National Bureau Of Investigation (NBI), Department of Justice (DOJ), Department of the Interior And Local Government (DILG) at Department of Information and Communications Technology (DICT) para paigtingin ang kampanya kontra sa illegal gambling.

Inatasan ang mga ito na makipag-ugnayan at aksiyonan ang mga hiling ng gambling regulatory authorities na mag-imbestiga upang matigil na ang mga iligal na aktibidad.

Sa ilalim ng nasabing EO, ipinaliliwanag nito na ang illegal gambling at kahit ano pang ‘game schemes’ ay hindi awtorisado o lisensiyado ng gobyerno.

Ayon sa EO, kinukundena ng estado ang illegal gambling activities na pinagmumulan ng kurapsiyon.

Ipagbabawal na rin ang sharing o transfer ng online gambling license sa iba pang partido at hindi na rin papayagan ang mga operator na mag-operate sa labas ng economic zone, kung saan sila nag-apply ng lisensiya.

Pinagsusumite rin ng kanilang consolidated progress report ang Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR), Cagayan Economic Zone Authority (CEZA), Authority of the Freeport Area of Bataan (AFAB), Aurora Pacific Economic Zone and Freeport Authority (APECO) at iba pang regulatory agencies tuwing anim na buwan.

Speak Your Mind

*