Duterte handang bigyan ng posisyon si Sandra Cam

Handa si Pangulong Rodrigo Duterte na bigyan ng posisyon si Sandra Cam bilang kapalit ng ginawa nitong pagtulong sa kanya noong panahon ng kampanya.

Sa kabila ito ng lumabas na ulat tungkol sa umano’y hindi magandang inasal ni Cam sa ilang empleyado ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA).

Ayon sa pangulo, hindi mabubura ng ginawang pagsigaw ni Cam ang tulong na ibinigay nito sa kanya kaya nakahanda siyang tulungan din ito.

Pero pabiro namang sinabi ni Duterte na kailangan munang pumatay ng Gabinete para mabigyan si Cam ng posisyon.

Sa ulat na lumabas sa isang broadsheet, nanigaw umano si Cam nang singilin dahil sa pananatili sa VIP lounge ng NAIA gayong hindi naman ito opisyal ng gobyerno.

Pero itinanggi ito ni Cam at sinabing baka pakana lamang ng Liberal Party (LP) ang nasabing ulat.

Ikinatuwiran naman umano ni Cam na magiging miyembro siya ng Gabinete ng pangulo kapag natapos na ang one year ban ng mga natalong kandidato.

Speak Your Mind

*