Duterte nag-sorry kay Robredo sa graduation rites ng PMA SALAKNIB class of 2017

Humingi ng paumanhin si Pangulong Rodrigo Duterte kay Vice President Leni Robredo matapos na makaligtaan niya itong banggitin sa simula ng kanyang speech sa graduation rites ng Philippine Military Academy (PMA) Sanggalang ay Lakas at Buhay Para sa Kalayaan ng Inang Bayan (SALAKNIB) Class of 2017 sa Baguio City.

Paliwanag ng pangulo, hindi raw kasi isinali ng kanyang speechwriter ang pangalan ng bise-presidente sa mga opisyal na dumalo sa pagtitipon.

Pabiro namang sinabi ni Duterte kay Robredo na bubugbugin na lamang niya ang kanyang speechwriter dahil sa hindi nito pagsali sa pangalan ng bise presidente.

Bago magsimula ang graduation rites ay binati at kinamayan ng pangulo si Robredo.

Hindi naman magkatabi ng upuan ang dalawang mataas na opisyal dahil pinagitnaan sila ni Department of National Defense (DND) Secretary Delfin Lorenzana.

Ito na ang ikalawang pagkakataong nagkita ang dalawa matapos na magbitiw sa Gabinete ni Duterte si Robredo noong Disyembre.

Speak Your Mind

*