Anti-Distracted Driving Act nais repasuhin ng ilang senador

Pinarerepaso ng ilang senador ang ipinatutupad na Anti-Distracted Driving Act (ADDA) matapos ulanin ng sandamakmak na reklamo sa social media.

Sa panayam, sinabi nina Senador Nancy Binay at Senador Richard Gordon na ‘overacting’ ang naturang pagpapatupad ng Land Transportation Office (LTO) at Metro Manila Development Authority (MMDA).

Umalma si Binay dahil maging ang rosaryong isinasabit sa harapan ng sasakyan ay ipinagbabawal na rin sa naturang batas.

Ayon kay Binay, hindi naman sagabal ang rosaryong isinasabit sa salamin sa harapan ng sasakyan dahil hindi naman ito aniya laging tinitingnan.

Sinabi naman ni Gordon na tila nawawala na sa lugar ang tunay na motibo sa pagbabawal sa ADDA, na kung saan ang tanging layunin nito ay iwasan ang paggamit ng gadget o cellphone ng mga driver samantalang nagmamaneho dahil maaaring malagay sa peligro ang buhay ng mga motorista.

Ani Gordon, masyado nang overacting ang LTO at ang MMDA sa pagpapatupad ng naturang batas dahil sa sobrang dami ng mga ipinagbabawal, kung kaya’t dapat lamang na repasuhin ito sa Senado.

Speak Your Mind

*