Dismissal kay Purisima pinagtibay ng CA

Pinagtibay ng Court of Appeals (CA) ang pagkaka-dismiss sa gobyerno ni dating Philippine National Police (PNP) Chief Director General Alan Purisima.

Ibinasura ng appellate court ang petition for review ni Purisima at kinatigan din ang dismissal order ng Ombudsman noong Hunyo 2015.

Si Purisima ay sinibak sa puwesto dahil sa umano’y maanomalyang kasunduan sa private courier service firm na Werfast Documentary Agency.

Nakitaan ng anti-graft body si Purisima at maraming iba pa na guilty sa kasong grave abuse of authority, grave misconduct at serious dishonesty.

Ayon sa Ombudsman, pumasok ang PNP at Werfast sa isang kasunduan para sa courier delivery system para sa renewal ng mga baril at lisensiya nang walang maayos na procurement, accreditation at qualification process.

Iginiit ng Ombudsman na hindi rehistradong korporasyon ang Werfast nang pumasok ito sa isang memorandum of agreement (MOA) sa PNP noong Mayo 2011.

Bukod kay Purisima, ipinag-utos din ng Ombudsman ang dismissal nina dating Central Luzon Chief Superintendent Raul Petrasanta at siyam na iba pang kapwa-akusado.

Speak Your Mind

*