Jazz Kumpiyansang Matatapatan Ang GSW Sa NBA Semifinals

Kumpiyansa ang koponan ng Utah Jazz na kaya nilang tapatan ang Golden State Warriors (GSW) sa Western Conference Semifinals.

Ayon sa beteranong player ng Jazz na Si Joe Johnson, kayang- kaya nilang makipagsabayan sa grupo ni Kevin Durant at Stephen Curry kahit pa ilang araw lang ang kanilang pahinga matapos nilang talunin ang LA Clippers sa Game 7.

Samantala, hindi pa rin makadadalo ang head coach ng Warriors na si Steve Kerr sa kanilang Game 1 laban sa Utah Jazz.

Ito ay dahil pa rin sa iniinda nitong komplikasyon sa kanyang operasyon sa likod.

Kung matatandaan, hindi na nakasipot pa si Kerr sa huling dalawang game ng Golden State kontra-Portland Blazer.

Sa ngayon, ang assistant coach na si Mike Brown na dating head coach noon ng Cavs at Lakers ang hahawak sa kampanya ng koponan sa Western Conference Semifinals.

Kaugnay pa rin ng nagpapatuloy na National Basketball Association (NBA) Conference Semifinals, abante na sa 1-0 lead ang koponan ng Boston Celtics at Cleveland Cavaliers para sa Eastern Conference at Houston Rockets sa Western Conference.

Ngayong araw naman nakatakdang magharap sa Game 1 ang koponan ng Utah Jazz at GSW.

Speak Your Mind

*