About dzrd981 Dagupan

Isang pamilya, patay matapos matabunan ng lupa sa Compostela Vallety

Patay ang isang pamilya matapos matabunan ng lupa ang tinitirhang bahay sa Maragusan, Compostela Valley.

Bunsod ito ng malakas na buhos ng ulan.

Kabilang sa mga nasawi ang isang lalaki, kanyang kinakasama at dalawa nilang anak na edad tatlo at isa.

Madalas umano ang landslide sa nasabing lugar at nakitaan ng malalaking bitak ang lupa.

Lilipat na sana sa bago nilang tahanan ang pamilya bago naganap ang landslide.

Sasagutin naman ng lokal na pamahalaan ang gastusin sa libing ng mga nasawi.

Komedyanteng si pokwang nagsilang na ng Baby Girl

Nagsilang na ng isang malusog na baby girl ang komedyanteng si Pokwang.

Agad namang ipinost ni Lee O’Brian sa kaniyang instagram account ang larawan ng kanilang anak ni Pokwang o Marietta Sumbong sa tunay na buhay.

Ayon kay O’Brian, isinilang ni Pokwang si Baby Malia kaninang alas otso bente otso ng umaga.

Sa ngayon ay nagpapalakas daw ang komedyante matapos ang panganganak.

Nagkakilala sina Pokwang at Lee noong 2014 at inansiyo ang pagdadalang tao nito noong June 16, 2017.

Pacquiao Vs Lomachenko Fight, posibleng hindi na matuloy

Posibleng mapurnada ang nais ni Pinoy Superstar Manny Paquiao na makasagupa sa boxing ring si Ukrainian Champion Vasyl Lomachenko.

Ito ay matapos kontrahin ng manager ni Lomachenko na si Egis Klimas na kalokohan daw ang ideyang ito ni Pacquiao.

Iginiit ni Klimas na mas mataas daw ang weight class ni Pacquiao kumpara sa kaniyang alaga.

Katwiran pa ni Klimas, wala umano silang makukuha sakaling labanan ni Lomachenko si Pacquiao dahil matanda na raw ito.

Una nang inihayag ni Paquiao na target niyang bumalik sa ibabaw ng boxing ring sa Abril kung saan naka-break ang senado.

Pangulong Duterte, nanguna sa paglulunsad ng OFW Bank

Mismong si Pangulong Rodrigo Duterte ang nanguna sa paglulunsad ng Overseas Filipino Bank (OFBANK) sa Liwasang Bonifacio sa lungsod ng Maynila.

Bahagi umano ito ng katuparan ng pangako ni Pangulong Duterte na magkaroon ng isang bangko para sa mga Overseas Filipino Workers.

Nabatid na ang OFBANK ay nasa ilalim ng pangangasiwa ng Landbank bilang Savings Bank.

Sa pamamagitan ng OFBANK, maari na umanong magbukas ng account at magdeposito dito ang mga OFWS ng kanilang kita sa abroad.

Bukod dito, maaari ding makautang ang mga OFWS, maglagak ng investment gaya ng trust funds at iba pang serbisyo gaya ng pagbabayad ng kontribusyon sa SSS, OWWA, Philhealth, Housing Loans at iba pa.

Malakanyang, hihilingin sa Malaysia ang clemency sa 9 pinoy na nasa death row

Gagawa umano ng paraan ang Administrasyong Duterte na mailigtas sa parusang kamatayan ang siyam na pilipino sa malaysia.

Ito ang tiniyak ni Presidential Spokesman Harry Roque sa isang press briefing sa Albay.

Sinabi ni Roque na tungkulin ng pamahalaan na matiyak ang kaligtasan ng mga mamamayan nito sa ibang bansa.

Ayon kay Roque, hihingi ng clemency ang gobiyerno ng Pilipinas para sa siyam na pinoy na nasa death row dahil sa ginawang pagsalakay sa Lahad Datu, Sabah, Malaysia noong 2013.

Matatandaan na iginiit ng Sultanate of Sulu na pag-aari nito ang bahagi ng Sabah na pinauupahan lang daw sa gobiyerno ng Malaysia.

Record high net satisfaction rating, naitala ng Administrasyong Duterte – SWS

Naitala ng Administrasyong Duterte ang record-high net satisfaction rating sa last quarter ng taong 2017.

Ito ay base sa resulta ng survey ng Social Weather Station na isinagawa noong Disyembre a-otso hanggang a-disi sais noong nakaraang taon.

Batay sa survey, umani ng positive-70 o “excellent” net satisfaction rating ang kasalukuyang administrasyon mula sa isang libo at dalawang daang respondents.

Ayon sa SWS, ang score na ito ng Duterte Administration ang pinakamataas na rating sa National Government simula noong taong 1989.

Naungusan nito ang +66 record ng Administrasyong Aquino noong Hunyo 2013.

Gandarrapido ni Vice Ganda, topgrosser sa 2017 MMFF

Inilabas na ng 2017 Metro Manila Film Festival (MMFF) Executive Committee ang apat na top grosser na official entries ng 43rd MMFF ay ang Gandarrapido: the Revenger Squad, sumunod ang Ang Panday, pangatlo ang Siargao at pang-apat ang Haunted Forest.

Hindi naman inihayag ni MMFF Spokesman Noel Ferrer, kung alin sa natitirang apat pang entries ang pumanglima, pang-anim, pampito at pangwalo.

Samantala, base din sa report, itinanghal na topgrosser ang Gandarrapido na pinagbidahan ni Vice Ganda kung saan marami umano ang umulit na nanood ng gandarrapido dahil hindi agad nakuha ang kuwento.

Kasama sa naturang pelikula sina Daniel Padilla at Pia Wurtzbach.

2018 elections, pinaghahandaan na ng COMELEC

PUSPUSAN na ang paghahanda ng Commission on Elections (COMELEC) para sa Barangay at Sangguniang Kabataan (SK) Election sa Mayo 14 ng taong kasalukuyan.

Sa ngayon ay nakikipag-ugnayan na ang COMELEC sa Department of Education para sa tulong ng ilang grupo.

Naniniwala ang mga opisyal ng COMELEC na 90% na matutuloy ang halalan sa Mayo.

Subalit, posible rin daw na muli itong ipagpaliban sakaling magpasa ng batas ang Kongreso para sa muling pagpapaliban ng eleksyon.

Nagbitiw na CHED Chair Licuanan, dawit sa anomalya sa CDO

NADADAWIT ngayon si Dating Commission on Higher Education (CHED) Chairwoman Dr. Patricia Licuanan sa umano’y ilegal na mga gawain ni Dating University of Science and Technology of Southern Philippines President Dr. Ricardo Rotoras sa Cagayan De Oro City.

Nabatid na kahit convicted na umano si Rotoras sa kasong administratibo noong 2011, ay itinalaga pa ito ni Licuanan at ng Board of Regents bilang presidente ng USTP.

Ayon kay Engr. Selwyn Lao, presidente ng Wing-An Construction and Development Corporation, malinaw na paglabag ito sa Graft and Corrupt Practices Act ng Republic Act 3019.

Dismayado umano si Lao kay Licuanan dahil sa umano’y panghihingi nito ng porsyento sa ginagawang student center ng USTP noong taong 2016.

Mga apektado ng Mt. Mayon, tutulungan ng pamahalaan

NAKAHANDA ang Malakanyang at iba pang ahensya ng gobyerno na tumulong sa mga apektadong residente sa pagputok ng Bulkang Mayon sa Albay.

Sa isang press briefing sa lalawigan ng Albay, sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque na nakahanda si Pangulong Rodrigo Duterte at ang mga ahensya ng gobyerno na magbigay ng tulong sa mga ito.

Una rito, naglabas na ng P6-million ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) at may kasunod pa umano itong P12-million karagdagang tulong.

Sinagot na rin ng Department of Health (DOH) ang toilet facilities ng mga evacuees.

Dagdag pa ni Roque na naka-standby din ang quick response fund ng bawat ahensiya sakaling mangailangan pa ng dagdag na pondo para sa mga evacuees.