NoKor nagpakawala ulit ng missile

   Muling nagpakalawa ng ballistic missile ang North Korea (NoKor) malapit sa Pukchang County.

    Lumipad ito ng 500 kilometro at pinaniniwalaang bumagsak sa karagatan ng Japan.

    Ito ay eksaktong isang linggo mula nang umani ng batikos ang NoKor dahil sa pagpapakawala ng missiles sa City of Kusong na lumipad ng 700 kilometro at bumagsak sa pagitan ng Japan at Korean Peninsula.

    Ang pagpapakawala ng ballistic missile ay sa kabila nang mas mabibigat na parusang ipinataw ng UN Security Council sa NoKor.

1 patay, higit 20 sugatan sa Times Square matapos araruhin ng isang kotse

Isa patay samantalang mahigit dalawampu ang sugatan matapos na araruhin ng isang kotse sa Times Square sa Manhattan, New York.

Nakilala ang salarin na si Richard Rojas, 26-anyos, na dati umanong US Navy at residente ng Bronx sa New York.

Lumilitaw naman sa inisyal na imbestigasyon na hindi terror-related ang insidente.

Napag-alamang dati nang may kaso ng driving while intoxicated ang suspek.

Trump, Putin nakatakdang magkita sa Hulyo

Nakatakda umanong magkita sa darating na buwan ng Hulyo ang dalawang pinakakontrobersiyal na world leaders.

Base sa Russian State Media, sinasabing magaganap ang pagkikita nina US President Donald Trump at Russian President Vladimir Putin sa gaganaping G20 summit sa Hamburg, Germany.

Kung matatandaan, una nang nagkausap ang dalawang pangulo sa pamamagitan ng telepono.

Sa ngayon, wala pang anunsiyo ang White House sa posibilidad ng pagkikita ng dalawang world leaders.

Ex-FBI Director Comey tinawag na ‘papansin’ ni Trump

Iginiit ni US President Donald Trump na walang sabwatan sa kanyang pagkapanalo at sa gobyerno ng Russia.

Sinabi ito ni Trump matapos ang kanyang kontrobersiyal na desisyong sibakin sa puwesto si Federal Bureau of Investigation Director James Comey.

Tinawag din ni Trump si Comey na ‘showboat’ at ‘grandstander’ na dahilan umano para mawala ang tiwala niya at ng mismong FBI sa opisyal.

Una nang itinanggi ng White House na ang pagkakasibak kay Comey ay may kaugnayan sa ginagawa nitong imbestigasyon sa pakikialam ng Russia sa nagdaang US elections.

2,000 reindeers, kakatayin sa Norway dahil sa brainstorming disease

Ipinag-utos ng gobyerno ng Norway ang pagkatay sa nasa  2,000 reindeers para masawata ang brain-destroying disease na kumakalat sa bansa.

Unang nadiskubre ang naturang sakit sa Norway noong nakaraang taon na una nang lumaganap sa Europe.

Ang naturang sakit ay isang uri ng mad-cow disease na nasa North America na nagiging sanhi ng kamatayan ng reindeers.

Sa ngayon, wala namang ebidensiya na maaaring malipat sa tao ang naturang sakit.

print

SoKor elections umarangkada na

Umarangkada na ang botohan sa South Korea (SoKor) para sa papalit sa pinatalsik na pangulong si Park Geun-hye.

Kung pagbabatayan ang mga survey, malinaw na front-runner ang left-leaning candidate na si Moon Jae-in samantalang pumapangalawa naman ang centrist na si Ahn Cheol-soo.

Mahigpit na sinusubaybayan ang eleksiyon ngayon sa gitna ng tumitinding tensiyon sa North Korea (NoKor).

Nais ni Moon na palakasin pa ang contact sa NoKor taliwas sa paraan ng napatalsik na si Park na inalis ang halos lahat ng komunikasyon doon.

Si Park ay napatalsik sa puwesto dahil sa mga alegasyon ng kurapsiyon na pinabulaanan naman nito.

21 Patay, 69 Sugatan sa pagsabog sa Coal Mine sa Iran

Patay ang dalawampu’t isa katao samantalang animnapu’t siyam naman ang sugatan sa pagsabog sa isang coal mine sa Northern Iran.

Ayon sa mga awtoridad, nakuha na mula sa minahan ang mga bangkay ng mga minero na namatay sa pagsabog.

Naganap ang pagsabog sa Zemestanyurt Coal Mine sa Golestan.

46 Na Katao Patay Sa Pag-Atake Ng Islamic State Sa Northeast Syria

Patay ang 46 na katao sa panibagong pag-atake ng Islamic State sa Northeast Syria.

Ayon sa Syrian Observatory for Human Rights, tinatayang nasa limang suicide bombers ang nagpasabog ng kanilang sarili sa loob at labas ng refugee camp sa Hasakeh Province, kung saan ay naroroon ang US-backed Syrian Democratic Forces (SDF).

Kinumpirma naman ni Adviser to the SDF Nasser Haj Mansour na ilan sa mga namatay ay mga sibilyan, kabilang na ang ilang kataong tumakas sa Islamic State sa Deir Al-Zor sa Syria at Iraq.

Trump Bukas Na Makipagkita Kay NoKor Leader Kim Jong-Un

Ikagagalak umano ni United States President Donald Trump na makita sa personal si North Korean leader Kim Jong-un.

Ginawa ni Trump ang pahayag sa gitna ng tumintinding tensiyon sa pagitan ng US at North Korea (NoKor).

Sa isang TV interview, sinabi ni Trump na handa siyang makipagkita kay Kim kung may tamang sirkumstansiya para gawin ito.

Samantala, tiniyak ng Taiwan na solid ang ugnayan nila sa Estados Unidos sa kabila ng pagiging malamig ni US President Donald Trump sa posibilidad ng muling pakikipag-usap sa telepono kay Taiwan President Tsai Ing-wen.

Ito ay makaraang sabihin ni Tsai kamakailan na malaki ang posibilidad na muling direktang magkausap sila ni Trump.

Ang naturang pag-uusap kasi ng dalawang lider ay muli na namang magiging paglabag sa protocol ng Beijing.

Mistulang nawalan ng interes si Trump sa muling pakikipag-usap kay Tsai gayong ayaw raw niyang lumikha ng problema sa pagitan ni Chinese President Xi Jinping, lalo na at tinutulungan ngayon ng Beijing ang Estados Unidos sa pagrenda sa nuclear weapons ng NoKor.

Pulis, patay sa pag-atake ng ISIS sa France

Isang pulis ang patay samantalang dalawa naman ang malubhang sugatan sa pag-atake sa isang shopping district sa Paris, France.

Ayon sa Paris Police, tinarget ng umatake ang pulis na naka-base sa lugar malapit sa Franklin Roosevelt Subway Station.

Inako ng Islamic State Group ang pag-atake at sinabing ang suspek ay may pangalang Abu Yusuf Al-Beljiki na isang Belgian national.

Ginalugad naman ng mga awtoridad ang isang bahay roon na pinaniniwalaang may kaugnayan sa nasabing pag-atake.

Ang naturang bahay ay pagmamay-ari ng 39-anyos na si Karim Cheufri na suspek sa pag-atake sa isang pulis noong taong 2001.

Pero tikom ang bibig ng mga awtoridad kung si Cheufri nga ba ang nasa likod ng pinakabagong pag-atake sa Paris.