Singil ng kuryente, nakaambang tumaas dahil sa Tax Reform Bill

 Inaasahang tataas ang singil sa kuryente dahil sa Tax Reform Bill ng Duterte Administration.

Sinabi ni Bayan Muna Rep. Carlos Isagani Zarate, ito ang magiging resulta kapag itataas ang excise tax sa produktong petrolyo, partikular sa diesel at bunker fuel na ginagamit sa produksiyon ng kuryente.

Ayon kay Zarate, posibleng piso at limampung sentimos ang itataas sa singil sa bawat kilowatt hour ng kuryente sa oras na matuloy ang implementasyon ng Tax Reform Bill.

Giit pa ni Zarate, ang Mindanao ang siyang posibleng mas tatamaan nito.

Ito ay dahil 20 percent daw ng nasabing rehiyon ay nakadepende sa oil fired power plants.

Internet report: Pinas pinakamabagal sa buong mundo

Inihayag ng isang Internet monitoring firm na ang Pilipinas ang may pinakamabagal na Internet sa buong mundo sa huling quarter noong 2016.

Sa kanilang pinakabagong State of the Internet Report, sinabi ng cloud service provider at content delivery network Akamai Intelligent Platform na may 4.5 mbps average speed lamang ang Pilipinas.

Kasama ng Pilipinas sa ibaba ang India na may 5.6 mbps speed.

Sa kabila nito, sinabi ng Akamai na maaari pa namang mapabilis ang Internet sa bansa.

Samantala, ang South Korea (SoKor)  ang may pinakamabilis na Internet connection speed sa buong mundo na 26.1 mbps, na sinundan ng Norway, Sweden, Hong Kong, Switzerland, Denmark, Finland, Singapore, Japan at Netherlands.

Oil price hike, asahan ngayong linggo

May inaasahan na namang pagtataas ng presyo ng mga produktong petrolyo bukas, araw ng Martes.

Ayon sa energy sources, maglalaro sa animnapung sentimos   hanggang pitumpung sentimos ang dagdag-presyo sa kada-litro ng gasolina.

Samantalang kuwarenta sentimos hanggang singkuwenta sentimos naman ang dagdag sa preyo ng diesel.

Mas mataas naman ang umento ng kerosene na aabot sa sitenta sentimos hanggang otsenta sentimos kada-litro.

Ekonomiya ng bansa lumago ng 6.4% sa Q1 ng 2017

Lumago ng 6.4 percent ang ekonomiya ng bansa sa unang bahagi ng 2017.

Base sa datos ng Philippine Statistics Authority (PSA), mas mababa ito sa 6.8 percent sa kaparehong panahon noong 2016 at sa 6.6 percent sa huling bahagi ng 2016.

Ayon kay Socioeconomic Planning Secretary Ernesto Pernia, mas mababa ang naitalang gross domestic product kaysa sa inaasahan ng gobyerno.

Pero pasok pa rin aniya ito sa 6.5 hanggang 7.5 percent full-year projection.

Ipinagmalaki rin ni Pernia ang GDP growth rate ng Pilipinas na pumapangalawa sa 6.9 percent ng China.

 

Presyo ng karne ng baboy, tumaas simula noong buwan ng Abril

Umabot na sa tatlumpung piso ang itinaas ng presyo kada-kilo ng karne ng baboy simula noong Abril.

Ayon sa Bureau of Animal Industry (BAI), ito ay bunsod nang mas kaunting suplay ng baboy ngayon matapos na tamaan ng porcine epidemic diarrhea ang mga baboy sa huling anim na buwan ng 2016.

Marami umanong namatay na biik na inaasahan sanang ibebenta pagsapit ng Marso hanggang Hunyo ngayong taon.

Aprubado naman ng Department of Agriculture (DA) ang pag-angkat ng mahigit pitong milyong kilo ng karneng baboy pero wala umanong gustong mag-angkat dahil rin sa mataas na presyo nito sa pandaigdigang merkado.

Singil sa kuryente, bababa ngayong buwan

Magpapatupad ng bawas-singil ang Manila Electric Company (MERALCO) ngayong buwan.

Beinte nuwebe sentimos sa kada-kilowatt hour ang ibabawas sa singil ng MERALCO ngayong buwan.

Katumbas ng otsenta y singko pesos ang ibabawas sa bill ng MERALCO ngayong Mayo para sa kumokonsumo ng 200 kilowatt/ hour.

Sandaan at apatnapu’t limang piso naman ang bawas sa mga kumokonsumo ng 500 kilowatt/ hour.

Ayon sa MERALCO, ang pagbaba ng generation charge ang dahilan ng bawas-singil.

Presyo ng langis, muling bumaba

Nagsimula nang ipatupad ng mga kumpanya ng langis ang malakihang rollback sa diesel.

Piso at singko sentimos ang bawas sa presyo ng kada-litro ng diesel.

Samantalang nobenta sentimos naman ang tinapyas sa presyo ng kada- litro ng gasolina at kerosene.

Una nang nagpatupad ng rollback ang Flying V kaninang alas-dose uno ng hatinggabi.

Ngayong alas-sais ng umaga epektibo ang rollback ng Shell, Eastern Petroleum, Chevron, SEAOIL, PTT, Metro, Jetti at Clean Fuel.

Pangalawang rollback na ito para sa buwan ng Mayo.

Epekto naman ito ng patuloy na pagbaba ng halaga ng mga produkto ng langis sa pandaigdigang merkado

Cash remittance, tumaas ayon sa BSP

Nakapagtala nang mas mataas na cash remittance sa bansa nitong Pebrero ng taong kasalukuyan, kumpara sa naitala sa kaparehong buwan noong 2016.

Ayon sa Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP), umabot sa 3.4 percent o 2.169 billion dollars ang February remittance ngayong 2017, kumpara sa 2.098 billion dollars na nakolekta sa kaparehong buwan noong nakaraang taon.

Kapareho ito sa pumasok na cash remittances ng mga Pinoy na nasa ibayong-dagat noong Enero 2017.

Nangangahulugan ito na nananatiling nasa 2-billion dollar level ang antas ng pumapasok na dolyar sa bansa sa loob ng nakalipas na labintatlong buwan.

Pagpa-file ng income tax returns sa BIR, tinapos na

Tinapos na ng Bureau of Internal Revenue (BIR) ang araw ng paghahain ng income tax returns (ITRs).

Pero hindi tulad noong mga nakaraang taon, kaunting tao lamang ang pumila sa mga tanggapan ng BIR para mag-file ng kani-kanilang ITRs.

Una nang sinabi ni BIR Commissioner Caesar Dulay na target ng gobyernong makakolekta ng nasa higit P1.8 trilyong buwis ngayong taon.

Dunkin Donuts, iimbestigahan ng BIR sa hindi pagbabayad ng tamang buwis

Muling magsasagawa ng imbestigasyon ang Bureau of Internal Revenue sa Dunkin Donuts.

Ito ay dahil sa hindi umano nagbabayad ng buwis ang nasabing kumpanya.

Ayon kay BIR Commissioner Cesar Dulay, nakatanggap sila ng reklamo mula sa mga government examiner na nalulugi ang gobyerno dahil hindi nagbabayad ng buwis ang Dunkin Donuts.

Gayunman, sinabi ni Dulay na muli siyang magpapalabas ng letter of authority upang ipagpatuloy ang imbestigasyon.

Inatasan na rin ni Dulay si BIR Deputy Commissioner Jesus Clint Aranas para magsagawa ng imbestigasyon.

Dahil dito, ipinagpaliban muna ng BIR ang pagsasampa ng reklamo laban sa Dunkin Donuts.