Pagpapaaresto sa mga NPA legal fronts, suportado ng DOJ

SUPORTADO ng Department of Justice ang pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte na ipapaaresto ang mga legal fronts ng New People’s Army (NPA).

Ayon kay Justice Secretary Vitaliano Aguirre, maaaring kasuhan ang mga legal fronts sa ilalim ng batas laban sa rebelyon at Human Security Act.

Sinabi ni Aguirre na kahit granada lamang ang makumpiska sa suspek ay maaari na itong makulong at walang irekomendang piyansa.

Aarestuhin at kakasuhan naman ng rebelyon ang mga legal fronts na nakikipagsabwatan sa mga NPA.

Matatandaan na sinabi ni Pangulong Duterte na ang mga legal fronts ang taga-kolekta ng revolutionary tax ng NPA mula sa mga negosyante at malalaking kumpanya sa bansa.

P1-B kita kada taon ng NPA sa revolutionary tax, kinumpirna ng AFP

KUMIKITA higit P1-bilyon kada taon ang New People‟s Army (NPA).

Ito ang kinumpirma ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na kita ng NPA mula sa pangingikil umano sa iba’t ibang establisimiyento sa Eastern Mindanao.

Batay sa intelligence report ng AFP, nangongolekta ng pera ang mga rebeldeng NPA mula sa agri-industrial, mining, transport sectors, business firms at iba pang mga indibidwal.

Ayon kay AFP Eastern Mindanao Command Commander Lt. Gen. Benjamin Madrigal, na patuloy ang kanilang pakikipag-ugnayan sa mga negosyante para ipabatid ang epekto ng kanilang pagbibigay ng extortion fund sa mga komunistang rebelde.

Tinuruan na rin umano nila ang mga negosyante kung ano ang tamang gawin sa oras na kikilan sila ng mga rebelde.

Driver’s license ni Maria Isabel Lopez, kinansela na ng LTO

KINANSELA na ng Land Transportation Office (LTO) ang lisensya ng aktres at dating beauty queen na si Maria Isabel Lopez.

Ito ay matapos tanggalin ni Lopez ang plastic barrier na inilaan para sa ASEAN lane sa kasagsagan ng ASEAN Summit sa bansa.

Matatandaan na mahigpit na ipinagbawal ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang pagdaan ng mga motorista sa nasabing linya na para lamang sa mga VIP’s.

Hindi papayagan ng MMDA si Lopez na makapag-renew ng lisensya sa loob ng susunod na dalawang taon.

Magmumulta ng P8,000 para sa iba pang paglabag sa batas trapiko gaya ng Disregarding Traffic Signs, Reckless Driving at paglabag sa Anti-Distracted Driving Act.

LPA na nakapaloob sa ITCZ muling magpapaulan sa Visayas at Mindanao

Patuloy na magpapaulan sa malaking bahagi ng Visayas at Mindanao ang low pressure area (LPA) na nakapaloob sa intertropical convergence zone (ITCZ).

Sa weather bulletin ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), huling namataan ang LPA sa layong 30 kilometro Hilagang-Silangan ng Iloilo City, Iloilo.

Ang nasabing LPA at ITCZ ay maghahatid ng malakas na pag-ulan sa buong Visayas at sa mga rehiyon ng MIMAROPA, CARAGA, Northern Mindanao, Davao at Zamboanga Peninsula.

Dahil dito, ibinabala ng PAGASA ang posibleng pagbaha at pagguho ng lupa sa mga nabanggit na lugar.

Makararanas din ng hanggang katamtamang pag-ulan ang nalalabi pang bahagi ng Mindanao, Bicol Region at Southern part ng Quezon.

Militar target nais ma-clear ang Marawi sa Araw ng Kalayaan

Sa Lunes, Hunyo 12 ang target na petsa ng tropa ng militar na nakikipagbakbakan sa Maute group para ma-clear ang Marawi City.

Ayon kay Eastern Mindanao Command Asst. Commander Brig. Gen. Gilbert Gapay, nagdagdag na sila ng tropa sa lunsod.

Naniniwala si Gapay na nasa Marawi pa ang magkapatid na Omar at Abdullah Maute.

Ibinida rin ni Gapay ang pagkakaaresto sa ama ng magkapatid na Maute na si Cayamora Maute at ang dating alkalde ng Marawi na si Fajad Salic na umano’y financier ng Maute group.

Naniniwala si Gapay na malaki ang makukuha nilang importanteng impormasyon sa dalawa.

Sa ngayon ay nakadetine sa Camp Bagong Diwa sa Taguig ang matandang Maute samantalang nahaharap naman sa kasong rebelyon si Salic.

Kasong ‘disobedience to summons’ ni De Lima dedesisyonan na

Haharap ngayong araw si Senadora Leila De Lima sa Quezon City Metropolitan Trial Court Branch 34 para sa pagdinig sa kanyang kasong ‘disobedience to summons.’

Dedesisyonan na ng korte kung idi-dismiss o itutuloy ang paglilitis sa nasabing kaso.

Noong Hunyo 3 ay ibinasura ng korte ang apela ni De Lima para ibasura ang kaso dahil sa kakulangan ng merito.

Ipatatawag din ng korte ang complainant na si House Committee on Justice Chairman Reynaldo Umali bilang unang witness ng prosekusyon.

Si Umali at House Speaker Pantaleon Alvarez ang naghain ng nasabing reklamo kay De Lima matapos abisuhan ng senadora ang kanyang dating bodyguard na si ronnie dayan na huwag dumalo sa imbestigasyon ng Kamara.

Sa ngayon ay nakadetine si De Lima sa Philippine National Police (PNP) Custodial Center sa Camp Crame.

Hatol sa 9 na Pinoy na sangkot sa Lahad Datu siege, hindi pa pinal — DFA

Hindi pa umano pinal ang desisyon ng Court of Appeals (CA) ng Putrajaya, Malaysia sa siyam na Pinoy na sangkot sa Lahad Datu seige noong 2013.

Sa pahayag ng Department of Foreign Affairs (DFA), diringgin pa ng Federal Court of Malaysia ang naging desisyon ng CA.

Ayon sa DFA, patuloy ang ibinibigay na tulong ng gobyerno at ang ginagawang ligal na hakbang sa kaso ng mga nahatulang Pinoy para mailigtas ang mga ito.

Sa nasabing desisyon, pinagtibay ng CA ng Malaysia ang naunang desisyon ng high court na nagpapawalang-sala sa 13 Pinoy na nakasuhan ng iba’t ibang krimen na may kaugnayan sa treason at terorismo.

Gayunman, pinagtibay rin ang desisyon na naghahatol sa siyam na Pilipino na sangkot sa Lahad Datu siege at sa halip na habambuhay na pagkakabilanggo ay ginawa pang kamatayan ang parusa sa mga ito.

Russia tiniyak na hindi makikialam sa Philippine internal affairs

  Tiniyak ni Ambassador to Russia Carlos Sorreta na hindi makikialam ang Russia sa internal affairs ng Pilipinas o sa alinmang bansa.

    Sinabi ni Sorreta na ito ang nais ng Russia dahil ayaw rin nilang napakikialaman o nadidiktahan sa kanilang panloob na kalakaran.

    Ayon kay Sorreta, mahigpit na pinaiiral ng Russia ang non-interference policy at kinikilala ang kakayahan ng sovereign states na magdesisyon para sa kanilang sarili.

    Giit ni Sorreta na nais lamang ng Russians na makipagkaibigan sa Pilipinas.

Gov’t formal notice of rejection ng Pinas, hindi pa natatanggap EU

 Iginiit ng European Union (EU) na tuloy pa rin ang kanilang development assistance sa Pilipinas.

Sinabi ni EU Ambassador Franz Jessen, na tuloy ang pagbibigay nila ng financial aid sa Pilipinas hangga’t walang paglilinaw sa polisiya ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Ayon kay Jessen, wala pang natatanggap ang European bloc na formal written notification mula sa gobyerno ng Pilipinas maliban lamang sa anunsiyo ng Malacañang noong nakaraang linggo.

Kaugnay nito, nakatakdang makipagpulong si Jessen kay Foreign Affairs Sec. Alan Peter Cayetano para linawin ang nasabing isyu.

Magugunitang inihayag ng Malacañang na hindi buong assistance package ang kanilang tinatanggihan, kundi may ilang bahagi lamang nito na para sa kanila ay magiging pagkakataon para makialam ang EU sa internal affairs ng bansa.

Makati judge itinalagang bagong Sandiganbayan justice

 Itinalaga ni Pangulong Rodrigo Duterte si Makati City Judge Edgardo Caldona bilang associate justice ng anti-graft court ng Sandiganbayan.

    Ang appointment paper ni Caldona ay pinirmahan ni Duterte noong Marso 10 pero kahapon lamang ito natanggap ng opisina ni Chief Justice Maria Lourdes Sereno.

    Pinalitan ni Caldona si Sandiganbayan Associate Justice Jose Hernandez na nagretiro noong Nobyembre 16 ng nakaraang taong 2016.

    Si Caldona ay nagtapos sa Ateneo De Manila University (ADMU) at nagtrabaho sa Sandiganbayan sa ilalim ni Justice Sabino de Leon na naging Supreme Court (SC) justice.