COA, nakahanda na sa imbestigasyon sa sasakyan ng provincial government ng Ilocos Norte

 Nakahanda na ang Commission on Audit (COA) sa susunod na imbestigasyon ng Committee on Good Governance ng Kamara.

        Ito ay kaugnay ng mga kontrobersiyal na sasakyan gaya ng multicab na binili ng provincial government sa Lalawigan ng Ilocos Norte.

        Sinabi ni Mrs. Marilyn Liaguno, supervising auditor ng COA na nakabase sa lalawigan, na nagsagawa sila ng audit para sa mga multicab.

        Ayon kay Liaguno, ang lahat ng ito ay naibigay sa iba’t ibang barangay at organisasyon sa lalawigan.

        Dagdag pa ni Liaguno na may apat lamang na multicab na may sira kaya inilagay sa motorpool ng gobyerno probinsiyal.

Mga tripulante ng fishing vessel hinuli dahil lumabag sa RA 10654

Labimpitong tripulante ng isang fishing vessel ang naaresto ng mga awtoridad na iligal na nangingisda sa karagatan ng Barangay Olotayan sa Roxas City.

    Ang nasabing mga tripulante ay hinuli dahil sa paglabag sa RA 10654 o Philippine Fisheries Code o pangingisda sa loob ng labinlimang kilometro mula sa baybayin ng Roxas City.

    Depensa ng mga tripulante, pinayagan silang mangisda ng mga kasapi ng Philippine Coast Guard (PCG) na kanilang tinulungang makadaong sa baybayin sakay ng kanilang pump boat.

    Samantala, wala pang komento ang PCG kaugnay ng alegasyon ng nasabing mga tripulante.

Opisyal ng BIFF patay sa operasyon sa Maguindanao

Patay ang isang opisyal ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) sa isinagawang operasyon ng pinagsanib na puwersa ng militar at pulisya sa Barangay Capiton, Datu Odin, Sinsuat, Maguindanao.

        Kinilala ang nasawi na si Murad Ali alyas “Kumander Abu Mohammad” na isang bomb expert at aktibong miyembro ng intelligence division ng BIFF sa ilalim ng Karialan Faction.

        Ayon kay Maguindanao Police Provincial Director Senior Superintendent Agustin Tello, nanlaban si Ali sa raiding team kaya ito nasawi samantalang nahuli naman ang kanyang kasamahan.

        Nakumpiska sa bahay ng suspek ang isang Ingram machine pistol, granada, mortar at mga sangkap sa paggawa ng bomba.

        Tiniyak naman ni Abu Amir, tagapagsalita ng BIFF Karialan Faction na hindi mapaparalisa ang kanilang grupo sa sinapit ni Ali.

Akusasyon sa ‘tanim-droga’ mariing itinanggi ng Mabalacat police

Mariing itinanggi ng Mabalacat police sa Pampanga ang akusasyon ng mga lumantad na biktima ng umano’y tanim-droga.

Pinasinungalingan ni Mabalacat Police Drug Enforcement Unit Head Insp. Melvin Manalang Florida, Jr. ang paratang ng isang “Michael” na tinakot niya umanong papatayin.

Sa salaysay ni “Michael,” bigla na lamang siyang hinuli samantalang bumibili ng gamot para sa maysakit na anak.

Dinala umano siya sa presinto at isinama sa lima pang kalalakihan at doon na umano inilabas ng mga pulis ang droga at marked money.

Pero nanindigan si Florida na drug pusher si “Michael” at nagpositibo rin aniya ito sa paggamit ng iligal na droga.

Hinamon pa ni Florida na magpa-lie detector test sila ni Michael para malaman kung sino ang nagsasabi sa kanila ng katotohanan.

9 na barangay sa Surigao del Norte idineklarang drug-free

Idineklarang drug-free ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang siyam na barangay sa Bayan ng Tubod, Surigao del Norte.

Pinangunahan ni Ricardo Quinto, deputy director for PDEA operations ang deklarasyon ng Barangay Cawilan, Capayahan, San Pablo, Marga, Del Rosario, Motorpool, San Isidro, Timamana at Poblacion.

Batay umano sa isinagawang surveillance ng PDEA, walang kalakaran ng droga sa mga nasabing barangay.

Samantala, naitala ang limang probinsiya sa Caraga na may pinakamataas na bilang ng watch-listed drug personalities.

1 sa 2 ASG sa Bohol natagpuan na

Natagpuan na ng mga awtoridad ang isa sa dalawang miyembro ng Abu Sayyaf Group (ASG) na nasa Bohol.

Ayon kay Bohol Provincial Director Senior Superintendent Felipe Natividad, nakita ng isang impormante ng pulisya ang isang miyembro ng ASG sa Calape, Bohol.

Tumakbo pa ito nang kumpirmahin kung ASG nga ito.

Patuloy naman ang hot pursuit operation sa isa pang Abu Sayyaf member na hanggang ngayo’y nasa Bohol pa.

Reward sa tipster ng ASG sa Bohol naibigay na

Natanggap na ng mga taong nagbigay ng impormasyon sa kinaroroonan ng mga miyembro ng Abu Sayyaf Group (ASG) sa Bohol ang pabuya.

Ito ay alinsunod na rin sa ipinangako ni Pangulong Rodrigo Duterte na bibigyan ng isang milyon ang makapagtuturo sa kinaroroonan ng mga bandidong grupo.

Ayon sa Presidential Communications Operations Office (PCOO), kabuuang apat na milyong piso ang ibinigay ng pamahalaan sa mga tipster.

Hindi naman na tinukoy ang pagkakakilanlan ng mga taong nagbigay ng impormasyon para na rin sa kaligtasan ng mga ito.

Open-pit mining company sa Mati City inatake ng NPA

Inatake ng New People’s Army (NPA) ang isang open-pit mining company na nag-ooperasyon sa Barangay Macambol, Mati City sa Davao Oriental.

Tinangay ng rebeldeng grupo mula sa Mil-Oro Mining Corp. ang dalawang riple, anim na shotguns, military radio, mga bala at ilang gadgets.

Sinunog din ng NPA ang mga mining equipment kabilang ang limang backhoes, apat na graders at ilang sasakyan ng naturang kumpanya.

Ang naturang minahan ay pag-aari ng Austral-Asia Link Mining Corp. na kabilang sa tinanggalan ng environmental compliance certificate ni dating Department of Environment and Natural Resources (DENR) Secretary Gina Lopez.

Shabu, samu’t saring kontrabando nakumpiska sa Gensan City Jail

Nagsagawa ng operation greyhound ang pinagsamang puwersa ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa General Santos City Jail nitong Lunes.

Isa-isang pinalabas ng raiding team ang mga preso sa mga selda ng mga ito samantalang isinasagawa ang operasyon.

Pagkatapos ng anim na oras na paghalughog sa naturang kulungan, nakumpiska ang labing-apat na pakete ng hinihinalang shabu, P12,000 cash, 23 cellphones, 68 patalim at mga drug paraphernalia.

Iniimbestigahan naman kung sino ang mga may-ari ng mga nasabat na kontrabando at kung kasabwat ang mga jail guard sa pagpupuslit ng mga ito.

Miyembro ng BIFF na napatay sa Maguindanao operations, umakyat na sa 20; 7 sundalo, sugatan

Umakyat na sa dalawampu ang bilang ng mga napatay na miyembro ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) sa pinaigting na law enforcement operations ng militar sa Lalawigan ng Maguindanao.

Samantalang pitong sundalo naman ang napaulat na sugatan sa nasabing operasyon.

Ito ang kinumpirma ni 6th Infantry Division Public Affairs Chief Captain Ervin Encinas.

Kabilang sa nasawi si Kumander Khalid na pamangkin ni Shiek Esmail Abubakar alyas “Kumander Bungos.”

Target ng militar sa pinalawak na law enforcement operations ng Joint Task Force Central ang grupo ni Kumander Bungos, Shiek Abdul Malik alyas “Kumander Turaifie” ng BIFF local ISIS, Salahuddin Hassan alyas “Kumander Orak” at anim na mga Indonesian terrorist.

Samantala, pinabulaanan naman ni BIFF Spokesman Abu Misry Mama na umakyat na sa 20 ang nasawi sa kanilang mga miyembro.

Nilinaw ni Mama na si Kumander Khalid lang daw ang nasawi at apat ang nasugatan sa kanilang panig.