Hirit na Supplemental Budget ni PNoy, hindi madaling makalulusot sa Kongreso

Hindi magiging madali ang pagpasa ng Kongreso sa supplemental budget na tutustos sa mga proyektong naantala dahil sa inilabas na desisyon ng Korte Suprema sa Disbursement Acceleration Program (DAP).

Ito ang iginiit ni dating Budget Secretary Benjamin Diokno matapos hilingin ni Pangulong Noynoy Aquino sa mga mambabatas ang agarang pagpasa sa hinihiling nitong pondo.

Ani Diokno, may mga prosesong kailangang pagdaanan ang supplemental budget bago ito tuluyang maipasa sa Kongreso.

Isa na raw dito ay ang sertipikasyon mula sa National Treasury para matiyak na may pondong mapagkukunan para dito.

Gayundin din ang pagkakaroon ng tax measures ng pamahalaan na titiyak sa ilalabas na pondo mula sa supplemental budget.

Samantala, binigyang-diin ni San Beda College Professor Edilberto “June” Viray sa DZAR Sonshine Radio na mas mainam kung isasama na lamang sa 2015 National Budget ang hirit na supplemental budget ni Aquino.

Ani Viray, sa ganitong paraan ay mas magiging malinis ang proseso ng paglalaan ng pondo ng pamahalaan.

Aminado naman siya na may mga maaantalang proyekto kung sa susunod na taon pa kukunin ang pondo.

Ngunit ito lamang daw ang nakikita niyang paraan para matiyak na hindi na mahihinto pa ang mga proyekto ng pamahalaan.

Speak Your Mind

*