Pangulong Aquino, malabong mapanagot sa Mamasapano encounter

Masyado pang maaga para magbigay ng konklusyon kaugnay sa mamasapano, maguindanao encounter.

Ito ang binigyang-diin ni dating Justice Secretary at 1-BAP Partylist Rep. Silvestre ‘Bebot’ Bello III sa panayam ng Sonshine Radio.

Ayon kay Bello, kailangang hintayin munang matapos ang nagpapatuloy na imbestigasyon kasabay ng kumpletong report ng Bureau of Inquiry at Department of Justice.

Pahayag pa ni Bello na importanteng malaman ang buong katotohanan kaya hindi dapat madaliin bagkus ay hintayin na lamang ang resulta ng naturang imbestigasyon.

Dagdag naman ni Bello na malabong mapanagot si Pangulong Benigno ‘Noynoy’ Aquino III kung mapatunayang hindi direktang nagmumula sa kanya ang utos kaugnay sa Mamasapano encounter.

Ayon kay Bello, hindi maituturing na responsable sa insidente si Pangulong Aquino kahit siya pa ang Commander-In-Chief kung hindi nito alam ang pangyayari.

Sa ngayon, wala pang  ebidensya na mayroon ngang direktang  utos mula kay Pangulong Aquino base na rin sa testimonya ni former philippine National Police-Special Action Force Head Chief Supt. Getulio Napeñas.

Magugunitang inihayag ni dating Pangulong Fidel V. Ramos na may pananagutan si Pangulong Aquino  sa operasyon sa Mamasapano na ikinamatay ng 44 na mga pulis.

Speak Your Mind

*