Halaga ng piso, muling humina sa 52.12 kada isang dolyar

Muling humina ang halaga ng piso nang pumalo ang palitan nito sa P52.12 kada isang dolyar.

Ito na ang pinamataas na antas na inabot ng piso sa loob ng 11 taon.

Ayon kay Budget Secretary Benjamin Diokno, hindi ito nangangahulugan na humihina na ang ekonomiya ng Pilipinas.

Giit ng kalihim, nangyari rin sa ibang bansa ang paghina ng halaga ng mga salapi kontra dolyar.

Mababatid na ang piso na ang kasalukuyan may pinakamalalang performance kumpara sa pera ng mga katabi nitong bansa sa Asya.

Bentahan ng sasakyan sa bansa, bumagal noong Enero

Bumagal ang bentahan ng sasakyan noong buwan ng Enero kasabay ng pagpapatupad ng mas mataas na tax rate ng pamahalaan.

Base sa inilabas na report ng Chamber of Automotive Manufacturers of the Philippines INC., (CAMPI) at ng Truck Manufacturers Association (TMA), 4% lamang ang increased ng bentahan ng passenger at commercial vehicles o 31,645 units kumpara sa 30,425 units ng kaparehong buwan noong nakaraang taon.

Bagamat mabagal ang sales noong Enero kumpara sa mga nakalipas na buwan, itinuturing pa rin nilang “good start” ng sales ngayon taon.

Una dito ay marami ang nagsabing posibleng maapektuhan ang sales ng mga sasakyan dahil sa mas mataas na bayarin ng buwis sa ilalim ng Tax Reform Acceleration and Inclusion o TRAIN Law.

Coca-cola bottler, nagbawas ng kanilang mga empleyado

Nagbawas ng hindi kumpirmadong bilang ng mga empleyado ang Coca-cola bottler sa Pilipinas matapos ang assessment umano sa kanilang Organizational Structure.

Ayon sa Coca-cola FEMSA Philippines, mahirap na desisyon ang kanilang ginawa pero ikinonsidera nila ang “Evolving Regulatory Environment”, Operational Efficiency at ang performance nila sa merkado.

Bagamat hindi direktang tinukoy, may mga agam-agam na epekto ito ng mas mataas na tax sa mga sugar-sweetened drinks bunsod ng train law.

Sa kabila nito, tiniyak ng kompanya na lahat ng apektadong empleyado ay mabibigyan ng Career Transition Support, separation packages na lagpas pa nga sa mandato ng batas at iba pa.

Halos pisong dagdag-singil ng Meralco, ipatutupad ngayong buwan

Tataas ang singil sa kuryente ng Meralco ngayong buwan ng Pebrero.

Ito ang kinumpirma ni Meralco Spokesman Joe Zaldariaga.

Nobenta’y dos sentimo sa kada kilowatt hour ang posibleng dagdag-singil sa kuryente.

Ayon kay Zaldarriaga, ang dagdag singil ay dahil na rin sa pagtaas ng presyo ng kuryente sa mga power plants at ang paghina ng piso kontra dolyar noong Enero.

Tinatayang nasa anim na sentimo kada kilowatt hour ang katumbas na value added tax sa transmission charge.

 

Limitasyon ng Transport Network Vehicle Services sa bansa, dapat na umanong itaas

Nakiusap ang Grab Philippines na itaas sa 75 libo ang limitasyon ng Transport Network Vehicle Services.

Ito ay sa kabila ng pagtatakda ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board ng 45 libong units para sa TNVS.

Ayon kay Grab PH Country Head Brian Cu, hindi naman kasi bababa sa 75 libo ang bilang ng kanilang mga aktibong driver.

Aabot lamang sa 54 libong units ang nakarehistro sa kanila at sa Uber Philippines naman ay 70 libong units.

Sa kabuuang bilang ng TNVS sa dalawang kampanya, lumalabas na mayroong 120 libong units sa bansa.

 

Singil ng kuryente, nakaambang tumaas dahil sa Tax Reform Bill

 Inaasahang tataas ang singil sa kuryente dahil sa Tax Reform Bill ng Duterte Administration.

Sinabi ni Bayan Muna Rep. Carlos Isagani Zarate, ito ang magiging resulta kapag itataas ang excise tax sa produktong petrolyo, partikular sa diesel at bunker fuel na ginagamit sa produksiyon ng kuryente.

Ayon kay Zarate, posibleng piso at limampung sentimos ang itataas sa singil sa bawat kilowatt hour ng kuryente sa oras na matuloy ang implementasyon ng Tax Reform Bill.

Giit pa ni Zarate, ang Mindanao ang siyang posibleng mas tatamaan nito.

Ito ay dahil 20 percent daw ng nasabing rehiyon ay nakadepende sa oil fired power plants.

Internet report: Pinas pinakamabagal sa buong mundo

Inihayag ng isang Internet monitoring firm na ang Pilipinas ang may pinakamabagal na Internet sa buong mundo sa huling quarter noong 2016.

Sa kanilang pinakabagong State of the Internet Report, sinabi ng cloud service provider at content delivery network Akamai Intelligent Platform na may 4.5 mbps average speed lamang ang Pilipinas.

Kasama ng Pilipinas sa ibaba ang India na may 5.6 mbps speed.

Sa kabila nito, sinabi ng Akamai na maaari pa namang mapabilis ang Internet sa bansa.

Samantala, ang South Korea (SoKor)  ang may pinakamabilis na Internet connection speed sa buong mundo na 26.1 mbps, na sinundan ng Norway, Sweden, Hong Kong, Switzerland, Denmark, Finland, Singapore, Japan at Netherlands.

Oil price hike, asahan ngayong linggo

May inaasahan na namang pagtataas ng presyo ng mga produktong petrolyo bukas, araw ng Martes.

Ayon sa energy sources, maglalaro sa animnapung sentimos   hanggang pitumpung sentimos ang dagdag-presyo sa kada-litro ng gasolina.

Samantalang kuwarenta sentimos hanggang singkuwenta sentimos naman ang dagdag sa preyo ng diesel.

Mas mataas naman ang umento ng kerosene na aabot sa sitenta sentimos hanggang otsenta sentimos kada-litro.

Ekonomiya ng bansa lumago ng 6.4% sa Q1 ng 2017

Lumago ng 6.4 percent ang ekonomiya ng bansa sa unang bahagi ng 2017.

Base sa datos ng Philippine Statistics Authority (PSA), mas mababa ito sa 6.8 percent sa kaparehong panahon noong 2016 at sa 6.6 percent sa huling bahagi ng 2016.

Ayon kay Socioeconomic Planning Secretary Ernesto Pernia, mas mababa ang naitalang gross domestic product kaysa sa inaasahan ng gobyerno.

Pero pasok pa rin aniya ito sa 6.5 hanggang 7.5 percent full-year projection.

Ipinagmalaki rin ni Pernia ang GDP growth rate ng Pilipinas na pumapangalawa sa 6.9 percent ng China.

 

Presyo ng karne ng baboy, tumaas simula noong buwan ng Abril

Umabot na sa tatlumpung piso ang itinaas ng presyo kada-kilo ng karne ng baboy simula noong Abril.

Ayon sa Bureau of Animal Industry (BAI), ito ay bunsod nang mas kaunting suplay ng baboy ngayon matapos na tamaan ng porcine epidemic diarrhea ang mga baboy sa huling anim na buwan ng 2016.

Marami umanong namatay na biik na inaasahan sanang ibebenta pagsapit ng Marso hanggang Hunyo ngayong taon.

Aprubado naman ng Department of Agriculture (DA) ang pag-angkat ng mahigit pitong milyong kilo ng karneng baboy pero wala umanong gustong mag-angkat dahil rin sa mataas na presyo nito sa pandaigdigang merkado.