Tiwala ng international community sa Pilipinas, posibleng maapektuhan

Ang imahe raw ng Pilipinas sa international community ang pinaka-maapektuhan sa desisyon ni Pangulong Rodrigo Duterte na kumalas sa International Criminal Court o ICC.

Ayon kay Congressman Edcel Lagman, miyembro ng Magnificent 7 sa kamara, tiyak raw na negatibong impresyon mula sa international community ang bunga ng biglaang desisyon ng pangulo.

Bagamat walang direktang pakinabang ang bansa sa ICC, ay malaki naman raw ang pakinabang nito sa imahe ng bansa bilang tanda raw ng pagsuporta raw natin sa rule of law.

Para naman sa constitutional lawyer at dating mambabatas na si Atty. Emil Ong, wala pang hurisdiksyon ang ICC sa bansa dahil maayos pa naman raw ang ating justice system.

May karapatan din aniya ang pangulo na magwithdraw sa ICC dahil prerogative niya ito bilang pinuno ng bansa.

Sa ngayon ay hinimok na umano ng International Criminal Court (icc) ang Pilipinas na huwag kumalas sa Rome Statute.

Ito’y dahil ang Pilipinas ay isang importanteng state party sa Rome Statute at may mahalagang papel sa international criminal justice system.

Ayon sa ICC, bagaman batid nila na isang sovereign decision ang pag-withdraw ng pilipinas sa international treaty ay wala itong epekto sa kasalukuyang proceedings sa mga reklamong krimen laban sa pangulo.

DFA, nagsalita hinggil sa ipinadalang notice of withdrawal sa UN

Ang naging desisyon ng Pilipinas na kumalas sa korte ay isang prinsipyo laban sa mga namumulitika at nanggagamit sa isyu  ng karapatang pantao.

Ito ang naging pahayag ni Foreign Affairs Secretary Alan Peter Cayetano kasunod ng kasalukuyang pagpoproseso ng Pilipinas sa pagkalas mula sa International Criminal Court o ICC.

Pormal na ring ipinadala ang notice of withdrawal ni Philippine Repesentative Teodoro Locsin, Jr., at iniabot naman ito kay Maria Luiza Ribeiro Viotti, ang  Chef de Cabinet of UN Secretary General Antonio Gutteres sa New York City.

Sa sulat, tinukoy din ng kalihim na naniniwala itong walang krimen na umiiral o pananagutan na magsalita dahil sa simula pa lang ng kampanya laban sa iligal na droga ay isang lehitimong pagpapatupad na ito ng batas para protektahan ang lahat ng mga Pilipino at pagtibayin  ang rule of law.

Nakasaad din sa sulat na sa kabila ng pagkalas sa ICC ay tiniyak naman ng Pilipinas sa international community na patuloy pa ring ipapatupad ang rule of law  at proteksyon sa karapatang pantao ayon sa saligang batas.

Dagdag pa dito, pagtitibay din ng bansa ang pangako nito na labanan ang kawalan ng parusa sa atrocity crimes lalo na’t ang bansa ay may naipasang batas na nagpaparusa sa atrocity crimes.

Pagtuturo ng Cebuano sa mga mag-aaral sa Luzon, pinaburan

Pinaboran ni Senator Juan Miguel Zubiri ang pagtuturo ng Cebuano sa mga mag-aaral sa Luzon o mga hindi marunong ng Bisaya.

Ayon kay Senator Juan Miguel Zubiri, hindi makakasama kung pag-aaralan ng Department Of Education kung papano isasama sa School Curriculum ang pagtuturo ng iba’t ibang “major languages” ng Pilipinas.

Katulad na lamang aniya ng Cebuano at Ilocano sa mga lugar sa bansa kung saan hindi ginagamit ang nasabing mga salita upang mas maintindihan ang kultura at tradisyon ng iba’t ibang lugar sa bansa.

Idinagdag rin ni Zubiri makakatulong rin sa Local Tourism kung ang mga taga Visayas ay matuto ng mga salitang ginagamit sa Luzon katulad ng Ilocano.

Buhay ng isang sundalo, kapalit ng 5 buhay NPA – Duterte

Ito ang babala ni Pangulong Rodrigo Duterte kay CPP-NPA Founding Chairman Joma Sison kasunod ng banta nitong papatay ng isang sundalo kada araw kung hindi itutuloy ng Pangulo ang peace talks.

Ginawa ng Pangulo ang babala sa pagharap nito sa higit dalawandaang NPA na nagbalik-loob sa pamahalaan.

Ayon sa Pangulo, handa nitong ipag-utos sa militar na pumatay ng NPA babae man o lalaki ito.

Binanatan rin ng Pangulo si Sison sa naiisin nitong patalsikin ang Pangulo sa pwesto.

Una namang iginiit ng kasalukuyang administrasyon na hindi na nito itutuloy pa ang usapang pangkapayapaan sa rebeldeng grupo dahil sa patuloy na pag-atake ng mga ito sa pwersa ng pamahalaan.

Paglusot ni DOH Secretary Duque sa CA, ikinatuwa ng Malakanyang

Masayang binati ng malakanyang si Health Secretary Francisco Duque III sa paglusot nito sa makapangyarihang Commission on Appointments o CA.

Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, inaasahan na ni Pangulong Duterte na lulusot sa CA ang appointment ni Duque dahil sa kaniyang kakayanan at karanasan sa DOH.

Dagdag pa ni Roque, umaasa din ang malakanyang na mareresolba ni Duque ang problema na idinulot ng denhvaxia anti-dengue vaccine.

Ipinaaabot rin ng Malakanyang ang pasasalamat sa CA sa pagpapatibay sa appointment ni Duque bilang kalihim ng DOH.

 

Gobyerno, hinimok na magsagawa ng sariling Exploration Studies Sa Benham Rise

Inirekomenda ni Senador Grace Poe sa Gobyerno na magsagawa ng hiwalay na exploration studies sa benham rise at iba pang inaangking Isla kasama na ang West Philippine Sea.

Naghain ng Senate Resolution 611 si Poe para obligahin ang University of the Philippines Marine Science Institute at Department of Science and Technology’s Philippine Council for Agriculture, Aquatic and Natural Resources Research and Development na magsagawa ng research.

Ito’y para maprotektahan ang benham rise at iba pang Isla kung talagang mayaman ito sa minerals at oil deposits.

Nangangamba si Poe na matulad ang benham rise sa West Philippine Sea kung saan halos matatapos na ang militarization ng China.

Kasabay nito, hinimok ng Senadora ang Gobyerno na paigtingin ang karapatan sa West Philippine Sea o sa mga inaangking Isla.

14th Impeachment Hearing kay Chief Justice Maria Lourdes Sereno, ipinagpatuloy 

Ipinagpatuloy ng House Justice Committee ang ikalabing-apat na pagdinig sa Impeachment Complaint laban kay Chief Justice Maria Lourdes Sereno.

Patuloy na sinusuri ng Komite ang mga panloob na gawain  sa Korte Suprema at mga akusasyong nilabag umano si Sereno sa mga panuntunan at proseso kabilang na ang maling Statement Of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN).

Matapos ang dalawang beses na hindi pagdalo, sumulpot sa House Justice Panel si Supreme Court IT Consultant Helen Macasaet.

Sa inihaing kaso ni Attorney Lorenzo Gadon, inakusahan niya si Macasaet ng pagkakatalaga nang walang Public Bidding at labis na kompensasyon mula sa korte suprema na aabot sa dalawandaan limampung libong piso kada buwan, mas mataas sa natatangap ni Sereno na isandaan limampung libong piso.

 

 

Final reading ng ATM Hacking Proposed Law, aprubado na ng Kamara

Inaprubahan ng Kamara sa ikatlo’t huling pagbasa ang panukalang batas hinggil sa pagpapatupad ng Life Imprisonment sa sinomang sangkot sa ATM at Credit Card Hacking.

Ayon kay Eastern Samar Representative Ben Evardone, ito umano ang sagot sa iba’t ibang kasong may kinalaman sa pagkawala ng pera ng mga card holders, kabilang na ang maraming OFW.

Kasama sa panukala ang pagdedeklara sa mga nasabing ATM at Computer System Hacking Activities bilang non-bailable offenses, pati na rin ang pagmumulta ng hindi bababa sa isa hanggang limang milyong piso.

 

 

 

100 Milyong Pondo, ilalaan sa Benham Rise Authority

Inilaan ang isandaang milyong pondo para sa Benham Rise Development Authority (BRDA) para sa pagpapaunlad ng nasabing bahagi ng karagatan.

Ito ay matapos ipanukala nina Senador Sherwin Gatchalian at Sonny Angara noong isang taon na kailangan ng bansa ng ahensya na magbabantay sa Benham Rise.

Magmumula ang pondo sa 2018 budget ng bansa, isang magandang simula ayon kay Gatchalian.

Dagdag pa ng dalawang mambabatas, kailangang sumabay ng Pilipinas sa eksplorasyon sa Benham Rise gaya ng ibang bansa sa Southeast Asia.

PAO, isasailalim sa Autopsy sa katawan ng 10 batang hinihinalang nasawi sa Dengvaxia

Magsasagawa ang mga Forensic Expert mula sa Public Attorney’s Office (PAO) ng autopsy sa katawan ng sampung taong bata mula sa Palayan City, Nueva Ecija na hinihinalang namatay matapos maturukan ng dengvaxia.

Ayon sa ina ng bata, namatay ang anak niya labinlimang araw matapos maturukan ng kontrobersiyal na anti-dengue vaccine at pinangangambahang ganito rin ang mangyari sa isa pang anak na nabakunahan din.

Pero ayon sa Doktor, Cardiac Arrest ang dahilan ng pagpanaw nito.

Nakatakda namang magpulong sina Pangulong Rodrigo Duterte, Justice Secretary Vitaliano Aguirre II at PAO Chief Attorney Persida Acosta.

Ito ay upang pag-usapan ang isinagawang autopsy sa mga batang iniugnay ang pagkamatay sa kontrobersiyal na anti-dengue vaccine.