Dagupan City Health Office.., nakiisa sa programa ng DOH kontra tigdas.

Dagupan City – Nakiisa ang City Health Office ng Dagupan sa pag-uumpisa kahapon ng kampanya ng Department of Health o DOH sa pagbibigay ng libreng bakuna laban sa sakit na tigdas.

Ang kampanya ng DOH ay may temang “Iligtas sa Tigdas ang Pinas” kung saan door to door ang sistema nito.

Ayon kay Dr. Leonard Carbonell ang City  Health Office ng Lungsod, pupunta sila sa bawat bahay na mayroong batang edad siyam na buwan hanggang walong taong gulang upang mabakuhanan ang mga ito.

Sinabi ni Dr. Carbonell na layunin nilang mapalakas ang immunity ng tao laban sa nasabing virus dahil bukod sa nakakahawa ito ay maari pa itong makamatay.

Fish traders sa Dagupan City…, mahaharap sa sanctions kung hindi susunod sa Market and Sanitation Regulations.

Nagbabala ang City Government ng Dagupan na mahaharap sa sanctions ang mga fish traders sa City fish Markets kung hindi susunod ang mga ito sa Market and Sanitation Regulations.

Itoy kasunod ng mga ulat na ilang mga deboners at nagtitinda ng isda sa Lungsod ay walang kaukulang mayor’s and business permits.

Sinabi ni City Executive Assistant on Agriculture Butch Gutierrez na mahigpit nang ipinag-utos ng Mayor Benjamin Lim ang pagmomonitor sa mga ito upang masiguro ang kaligtasan ng mamimili.

Idinagdag pa ni Gutierrez na nagtalaga na siya ng apat na market personnel sa Malimgas Market, Centro Mart and Meelees, at Magsaysay Market upang syang magsasagawa ng inspections at magre-report sa mga lalabag sa regulasyon.

SPM makikiisa sa selebrasyon ng Bangus Festival 2011

Makikiisa ang Sonshine Philippines Movements sa selebrasyon ng Bangus Festival 2011, sa pamamagitan ng pagtatanin ng mangrove sa kailugan sa Lungsod ng Dagupan.

Ito ay kasunod sa panawagan ng City Agriculture Office na hindi lang dapat sa kasayahan nakasentro ang selebrasyon ng Bangus Festival kundi sa paglilinis at pagtatanim din sa mga tabing ilog.

Ayon kay Dagupan City Agriculturist Emma Molina, ang mangrove planting ay isa rin sa mga activities na gagawin sa mga barangay ng Pantal, Bonuan Gueset, Lucao at Tapuac na itinakda sa April 12, 14 and 17.

Napili naman ang Abril a-trenta bilang araw ng pagtatanin ng mga volunteers ng Sonshine Philippines Movements kasabay sa pagtatapos ng Fun Run na isa sa event ng DZRD 981 Sonshine Radio Dagupan.

Ilang barangay sa Dagupan City, nakiisa sa enhancement training ng BPATS

Nakiisa ang mga opisyales ng pitong barangay sa lungsod ng Dagupan, Pangasinan sa ginanap na Enhancement Training ng Barangay Peacekeeping Action Teams (BPATS) sa Brgy. Poblacion Oeste dito sa lungsod ng Dagupan.

Ang naturang training seminar ay pinamunaan ni P/Supt. Romeo Caramat hepe ng Dagupan Police Station at ni Provincial Community Relation Officer Col. Geraldo “Gerry” Roxas.

Ayon kay Col. Roxas, malaking tulong ang partisipasyon ng Barangay Peacekeeping Action Team sa kanilang trabaho dahil kung wala aniya ang mga ito mahihirapan nilang mapanatili ang kapayapaan sa lalawigan.

Samantala, ang mga nakiisang mga barangay ay ang Bgry. Poblacion Oeste bilang host ng training seminar, Brgy. Malued, Mangin, Lasip Chico, Pantal at Brgy. Uno, Dagupan City.