Celtics nakuha ang 1st pick sa NBA Draft

Nakuha ng Boston Celtics ang 1st pick sa National Basketball Association (NBA) Lottery para sa 2017 NBA Draft na magaganap sa Hunyo 22.

Matatandaang nakipag-trade ang Brooklyn Nets sa Celtics noong 2013 kapalit nina Paul Pierce, Kevin Garnett at protected lottery pick na parehas na wala na sa koponan.

Pumapangalawa sa Celtics ang Los Angeles Lakers at ikatlo naman ang Philadelphia 76ers.

Inaabangan na kung sino ang magiging 1st overall pick sa pagitan nina Washington guard Markelle Fultz at UCLA Star Lonzo Ball.

Gaganapin sa Barclays Center sa Brooklyn, New York ang NBA Draft.

Warriors tinambakan ang Spurs sa Game 2 ng WCF

Nilampaso ng powerhouse team na Golden State Warriors (GSW) ang San Antonio Spurs sa Game 2 ng National Basketball Association (NBA) Western Conference Finals sa score na 136-100.

Nanguna sa opensa ng Warriors si two-time MVP Stephen Curry na kumamada ng 29 points samantalang nag-ambag ng 16 points si Kevin Durant.

Hindi naman sumapat ang 22 points ni Jonathan Simmons na pumalit sa injured na si Kawhi Leonard para maipanalo ang Spurs.

Hawak na ngayon ng Warriors ang 2-0 lead sa Best-of-Seven series kontra-Spurs.

Magaganap ang Game 3 sa Sabado sa balwarte ng Spurs.

Kampo ni Pacquiao ayaw maging kampante sa laban kontra-Horn

Ayaw magpakampante ng kampo ni Filipino world boxing champion Manny Pacquiao sa laban kontra kay Australian boxer Jeff Horn.

Ayon kay Buboy Fernandez, co-trainer at matalik na kaibigan ni Pacquiao, bagama’t lamang sila sa karanasan ay hindi madaling kalaban si Horn, lalo’t uhaw itong pabagsakin si Pacquiao.

Ganito rin ang paniniwala ng fighting senator kaya nga raw humiling siya na gawin sa Hulyo ang laban para magkaroon pa siya ng panahong makapaghanda.

Tiniyak naman ng Filipino boxing icon na hindi magbabago ang intensity ng kanyang laban kaysa sa mga nagdaan.

Spurs pasok na sa Western Conference Finals

Umabante na ang San Antonio Spurs sa National Basketball Association (NBA) Western Conference Finals.

Tinambakan ng Spurs ang Houston Rockets sa Game 6 ng semifinals sa score na 114-75.

Kinarga ni Lamarcus Aldridge ang Spurs na gumawa ng 34 points at 12 rebounds samantalang nag-ambag ng 18 points si Jonathan Simmons na pumalit sa injured na si Kawhi Leonard.

Naging matamlay ang performance ni Rockets star at MVP candidate James Harden na nakagawa lamang ng 10 points samantalang 20 points naman para kay Trevor Ariza.

Makasasagupa ng Spurs sa Western Conference Finals ang number 1 seed Golden State Warriors (GSW) na pinangungunahan nina two-time NBA MVP Stephen Curry at 2014 NBA MVP Kevin Durant.

Magaganap ang Game 1 sa Lunes, sa teritoryo ng Warriors.

Warriors, Spurs maghaharap sa WCF

Makahaharap ng San Antonio Spurs ang powerhouse team na Golden State Warriors (GSW) sa National Basketball Association -Western Conference Finals (WCF).

Ito ay matapos tambakan ng Spurs ang Houston Rockets sa Game 6 ng Western Conference Semifinals (WCS) sa score na 114-75.

Una nang umabante sa WCF ang Warriors matapos walisin sa unang dalawang round ang Portland Trail Blazers at Utah Jazz.

Puspusan naman ang ginagawang paghahanda nina two-time MVP Stephen Curry at 2014 MVP Kevin Durant para sa Warriors.

Ngayon lang ulit maghaharap ang dalawang koponan simula nang matalo ang Warriors sa Spurs noong 2013 sa semis.

Magsisisimula ang Game 1 sa Lunes sa home court ng Warriors

GSW umabante na sa NBA Western Conference Finals

Namamayagpag pa rin ang number 1 seed Golden State Warriors (GSW) sa National Basketball Association (NBA) playoffs matapos walisin ang Utah Jazz sa Game 4 ng Western Conference Semifinals.

Ito ay matapos tambakan ng Warriors ang Jazz sa score na 121-95.

Nanguna sa opensa ng Warriors si two-time MVP Stephen Curry na nagtala ng 30 points samantalang bumawi si Klay Thompson na umiskor ng 21 points matapos ang hindi magandang laro sa Game 3.

Nagpakitang-gilas din si Draymond Green sa kanyang triple-double performance na 17 points, 11 assists at 10 rebounds.

Hindi naman umubra ang pinakawalang 25 points ni Gordon Hayward para sa Jazz.

Ito na ang ikatlong sunod na taon na umusad ang Warriors sa Western Conference Finals.

Sunod na makahaharap ng Warriors ang mananalo sa pagitan ng Houston Rockets at San Antonio Spurs.

Kobe Paras lumipat na sa Cal-State Northridge

Kinumpirma ng Filipino basketball star na si Kobe Paras na lumipat na siya sa California State University, Northridge mula sa Creighton University.

Isang taon ding naglaro si Paras sa Creighton Bluejays, kung saan ay nagtala siya ng season low 1.3 points per game.

Dahil sa limitadong playing time sa court ay naisipan ni Paras na lumipat at iwanan ang scholarship sa Bluejays.

Naniniwala si Paras na ang Cal-State Northridge Matadors ang angkop na koponan para maipakita niya ang kanyang galing at lakas na hindi niya nagawa sa Bluejays.

Ang coach ng Matadors ay ang dating National Basketball Association (NBA) player na si Reggie Theus na naglaro para sa Chicago Bulls noong 1978-1993.

Cavs umabante na sa NBA Eastern Conference finals

Umabante na ang defending champion Cleveland Cavaliers sa National Basketball Association (NBA) Eastern Conference finals matapos walisin ang Toronto Raptors sa Game 4 ng semifinals, sa score na 109-102.

Pinangunahan ni Lebron James ang Cavs sa kanyang 35 points samantalang nag-ambag ng 27 points si Kyrie Irving.

Hindi naman sumapat ang 22 points ni Demar Derozan para sa Raptors.

ito na ang ikatlong sunod na season na nakapasok ang Cavs sa finals simula nang bumalik si James sa koponan noong 2014.

Makahaharap ng Cavs ang mananalo sa pagitan ng Boston Celtics at Washington Wizards.

Rockets naitabla ang serye sa 2-2 vs Spurs

Nilampaso ng Houston Rockets ang San Antonio Spurs sa Game 4 ng National Basketball Association (NBA) Western Conference semifinals, sa score na 125-104.

Bumida para sa Rockets si James Harden sa kanyang double-double performance na 28 points at 12 assists.

Nag-ambag naman si Eric Gordon ng 22 points kabilang na ang anim na three-pointer.

Naging matamlay naman ang performance ni Kawhi Leonard na nakapagtala lang ng 16 points para sa Spurs.

Dahil sa panalo ng Rockets ay naitabla na nito ang serye sa 2-2 sa Best-of-Seven series.

Gaganapin ang Game 5 sa darating na Miyerkules sa balwarte ng Spurs.

Gilas makasasagupa ang Australia, Taiwan at Japan sa Asian qualifiers ng FIBA World Cup

Inilabas na ang listahan ng apat na cluster ng mga bansang magkakasama para sa Asian qualifiers ng 2019 FIBA World Cup.

Kahanay ng Gilas sa Group B ang mga koponan mula sa mga bansang Australia, Japan at Taiwan.

Nangangahulugan ito na isa ang Gilas Pilipinas sa unang makasasagupa ng Australia boomers matapos na pagdesisyonan ng FIBA na pagharapin para sa qualifiers ang mga bansa mula sa Asia at Ocenia.

Magkakasama naman sa Group A ang defending FIBA Asia champion China, Hong Kong, Korea at New Zealand.

Magkasama naman sa cluster ang Iran, Iraq, Qatar at Kazakhstan samantalang magkakahanay naman sa Group D ang Lebanon, India, Syria at Jordan.