Boston Celtics, GSW Wagi Sa Nagpapatuloy Na NBA Playoffs

Hindi pinaporma ng Boston Celtics ang Washington Wizards sa nagpapatuloy na Eastern Conference Semifinals.

Sa kanilang 2nd game, tinalo ng Celtics ang Wizards sa iskor na 129-119.

Pinangunahan ni Isaiah Thomas ang Celtics matapos magpakawala ng 53 puntos, kung saan ay 29 na puntos dito ay galing sa fourth quarter at sa overtime.

Samantala, nakuha naman ng Golden State Warriors (GSW) ang kanilang unang panalo sa Best of 7 Series ng kanilang semifinal match kontra-Utah Jazz.

Nanguna sa laro para sa Warriors si Stephen Curry na may 22 points at Draymond Green na may 17 puntos, 8 rebounds at 6 na assists.

Nag-ambag din si Kevin Durant ng 15 puntos para sa Warriors.

Si Rudy Gobert naman ang nanguna sa Jazz na may 13 puntos at Gordon Hayward na may 12 puntos.

MERALCO Pinataob Ang Phoenix Sa Score Na 81-66

Hindi pinaporma ng MERALCO Bolts ang Phoenix Fuel Masters nitong Miyerkules sa nagpapatuloy na Philippine Basketball Association (PBA) Commissioner’s Cup.

Pinangunahan ni Baser Amer ang 81-66 victory ng MERALCO na may 20 puntos at tatlong assists.

Nagawa ring malimitahan ng MERALCO ang opensa ng Phoenix na nakagawa lamang ng 32 percent shooting o 23 sa 72 shots.

Nagtala naman si Alex Stepheson ng 15 puntos at 20 rebounds samantalang nagsalpak din ng 19 puntos si Chris Newsome.

Rockets Nilampaso Ang Spurs Sa Game 1 Ng Semis

Nilampaso ng Houston Rockets ang San Antonio Spurs sa paghaharap nito sa Game 1 ng National Basketball Association (NBA) Western Conference semifinals sa score na 126-99.

Nagtala ng double-double performance si James Harden sa kanyang 20 points at playoff career-high 14 assists samantalang tumulong naman si Trevor Ariza na may 23 points.

Naglista ng panibagong franchise record ang Rockets sa pinakawalang dalawampu’t dalawang 3-pointer sa NBA playoffs.

Nasayang naman ang double-double performance ni Kawhi Leonard na 21 points at 11 rebounds para sa Spurs.

Ipinatikim ng Rockets sa Spurs ang worst loss sa series opener sa ilalim ni Coach Greg Popovich.

Ang Game 2 ay magaganap sa Huwebes sa teritoryo ng Spurs.

Cavs Nasungkit Ang 1st Win Sa Semis Vs Raptors

Nasungkit ng Cleveland Cavaliers ang unang panalo kontra-Toronto Raptors sa National Basketball Association (NBA) Eastern Conference semifinals.

Sa unang quarter pa lang ay tinambakan na agad ng Cavaliers ang Raptors na pinaiskor lang ng 18 points.

Kumamada ng 35 points at 10 rebounds si Cavaliers star Lebron James samantalang nag-ambag naman ng 24 points si Kyrie Irving.

Hindi naman sumapat ang 20 points ni Kyle Lowry para sa Raptors.

Tinapos ng Cavaliers ang Raptors sa iskor na 116-105.

Sunod na maghaharap ang Cavaliers at Raptors sa Huwebes para sa Game 2.

Depensa Nakikitang Problema Sa Laro Ng Gilas Pilipinas

Depensa ang nakikitang problema ni National Head Coach Chot Reyes sa tatlong tune-up games ng Gilas Pilipinas sa katatapos lamang na Philippine Basketball Association (PBA) All-Star Game.

Tumabla ang Gilas sa Mindanao All-Star samantalang nanalo naman ito sa Luzon at Visayas Team.

Pero hindi aniya nasisiyahan si Coach Reyes sa ipinakitang depensa at opensa ng national team sa tatlong laban.

Mayroon naman aniya silang sampung araw para paghandaan pa ang SEABA Championship.

Magsasagawa rin umano si Reyes ng twice-a-day training session sa Gilas para palakasin pa ang koponan.

Fajardo at Abueva, hindi pa makasasali sa ensayo Ng Gilas

Tagapanood lamang muna ang papel nina June Mar Fajardo at Calvin Abueva sa praktis ng Gilas Pilipinas na naghahanda na para sa 2017 SEABA Championship sa Mayo.

Nagpapagaling pa ang dalawang Philippine Basketball Association (PBA) stars sa kani-kanilang mga injury.

Pero kahit ‘di makasasama sa mismong ensayo, pinakikinggan pa rin daw ni Fajardo ang mga itinuturo ni Coach Chot Reyes sa team.

Siniguro naman ni Fajardo at Abueva na makasasama na sila sa mga susunod na ensayo para sa nalalapit na PBA All-Star Week.

Diaz, at Velasco, may payo sa mga atletang lalahok sa Palarong Pambansa

Nagpaabot ng kanilang good luck wish sina Olympic silver medalists Hidilyn Diaz at Mansueto “Onyok” Velasco, Jr. sa mga atletang lalahok sa Palarong Pambansa 2017.

Sinabi ni Diaz na sana ay huwag panghinaan ng loob ang mga sasabak sa iba’t ibang sporting events sa Palarong Pambansa na magsisimula sa Abril 23 hanggang Abril 29 sa San Jose de Buenavista, Antique.

Binigyang-diin naman ni Velasco ang kahalagahan ng disiplina sa sarili.

Payo pa ni Velasco, na palaging makinig sa coach upang magabayan nang husto at iwasang masangkot sa bisyo katulad na lamang ng iligal na droga.

Pero ang pinakamahalaga aniya ay palaging manalig sa Diyos.

Warriors, Rockets at Wizards, hawak na ang 2-0 lead sa NBA Playoffs

Nakuha ng Golden State Warriors, Houston Rockets at Washington Wizards ang 2-0 lead sa National Basketball Association (NBA) playoffs.

Pinulbos ng Warriors ang Trailblazers sa iskor na 110-81, kung saan ay nagposte si Stephen Curry ng 19 points, 6 rebounds at 6 assists.

Ginulat naman ng Rockets ang Oklahoma City Thunder sa iskor na 115-111 at pinawalang-saysay ang triple-double performance na 51 points, 13 assists at 10 rebounds ni Russell Westbrook.

Pinangunahan naman ni John Wall ang Washington Wizards sa kanyang team-high 32 points para magpakitang- gilas kontra sa Atlanta Hawks sa iskor na 109-101.

Rockets, nilampaso ang OKC sa Game 1 ng NBA playoffs

Tinambakan ng Houston Rockets ang Oklahoma City Thunder sa Game 1 ng National Basketball Association (NBA) playoffs sa score na 118-87.

Nanguna sa opensa ng Rockets si James Harden na gumawa ng 37 points, 9 assists at 7 rebounds.

Hindi rin nagpahuli ang depensa ni Rockets Guard Patrick Beverley para pigilan si OKC Star Russell Westbrook na nagkaroon ng 9 turnovers sa laro.

Matatandaang nangunguna sa NBA MVP race sina Harden at Westbrook.

Hawak na ng Rockets ang unang panalo sa best-of-seven series kontra- OKC.

Muling maghaharap ang dalawang koponan sa Huwebes sa Toyota Center na home court ng Rockets.

Durant, bumida sa panalo ng GSW vs Blazers sa NBA playoffs

Nagpakitang-gilas si Kevin Durant sa panalo ng Golden State Warriors (GSW)  kontra-Portland Trail Blazers sa Game 1 ng National Basketball Association (NBA) playoffs sa score na 121-109.

Kumamada si Durant ng 32 points at 10 rebounds sa kanyang unang laro sa playoffs bilang Warriors.

Hindi rin nagpahuli ang dating two-time MVP na si Stephen Curry sa kanyang 29 points upang pigilan ang magandang opensa ng Blazers.

Nasayang naman ang playoff career-best ni CJ McCollum na 41 points para sa Blazers.

Magaganap ang Game 2 sa Huwebes sa Oracle Arena na balwarte ng Warriors.